E-Sports: NU binuwag ang kampeon, sinelyuhan ang playoff spot sa UAAP MLBB
Ace Alfred Acero Ipinost noong 2025-05-15 12:02:43
May 15 - Sinikwat ng National University ang unang playoff slot sa Group B ng UAAP Season 87 Esports Mobile Legends: Bang Bang Tournament matapos tambakan ang defending champion University of the East, 2-0, nitong Miyerkules sa Quantum Skyview Deck, Gateway Mall 2, Araneta City.
Kahit parehong nag-uwi ng 2-0 panalo ang NU at De La Salle University sa araw na iyon, ang Bulldogs ang unang pormal na umabante sa medal rounds.
Di naging madali para sa NU ang tagumpay kontra UE. Sa Game 1, kinailangan nilang pagtiisan ang draft disadvantage, ngunit nanaig ang disiplina at estratehiya para makuha ang panalo sa pamamagitan ng 3-for-1 exchange sa 16th-minute Lord fight.
“Dun talaga lumabas yung patience nung team... Tinake advantage nila yung advice ko,” wika ni NU head coach Patrick Balangquit.
Mas lalong matindi ang Game 2 kung saan nakuha ng UE ang mapa sa midgame. Pero sa 18th minuto, sumabog ang opensa ni Kirk Herrero (Kimmy) sa isang triple kill kasunod ng evolved Lord take.
Makalipas ang ilang sandali, nag-activate si Josh Paculan (Hylos) ng Glorious Pathway para bigyan ng espasyo si Harold Blas (Selena) na tamaan ng Abyssal Arrow si reigning MVP John Lawrence Chavez (Lylia). Ang sequence na ito ang nagtulak sa base turret push at nagtakda ng sweep para sa NU.
Samantala, bumawi ang DLSU mula sa unang talo sa pamamagitan ng dominanteng 2-0 win kontra UP. Si Aaron Lim (Faramis) ang nanguna sa Game 1, habang si Journey Ong (Baxia) ang nagselyo sa Game 2 sa isang flank play sa ika-13 minuto.
Sa Group A, naipanalo ng University of Santo Tomas ang bakbakan ng mga undefeated teams kontra Adamson University, 2-0.
Sa Game 1, umalagwa si Juliann Ortega gamit si Fanny para sa 9-1-4 KDA. Sinundan ito ni Benjamin Lukban (Granger) ng apat na kills sa 10th-minute 5-for-2 clash sa Game 2 para tapusin ang series.
“It’s a happy feeling... Kaya gutom rin ako para sa kanila,” ani Teletigers head coach Hermogenes Arayata IV.
Samantala, nanatiling buhay ang playoff hopes ng FEU matapos nitong ilampaso ang Ateneo, 2-0. Nagpasikat si Dashmielle Farin sa parehong laro gamit ang Suyou at X-Borg na parehong flawless performances.
Maghaharap ang FEU at Adamson bukas para sa huling semifinal ticket sa Group A.
Lahat ng laban ay napapanood nang live sa Pilipinas Live app at UAAP Varsity Channel.
