NBA Playoffs: Curry, tiwala pa rin sa kinabukasan ng Warriors sa kabila ng playoff exit
Ace Alfred Acero Ipinost noong 2025-05-16 12:24:17
May 16 - Nagpahayag ng kumpiyansa si Golden State Warriors star Stephen Curry sa kakayahan ng kanilang koponan na muling makipaglaban para sa kampeonato, sa kabila ng kanilang maagang pagkalas sa NBA playoffs ngayong taon.
Nalimitahan ang kampanya ng Warriors matapos silang walisin ng Minnesota Timberwolves, 121-110, sa Game 5 ng kanilang Western Conference semifinals, na nagresulta sa 4-1 serye pabor sa Wolves.
Hindi nakalaro si Curry sa huling apat na laro bunsod ng hamstring injury na kanyang tinamo sa Game 1. Ngunit sa kanilang season-ending media session nitong Huwebes (Biyernes sa Maynila), sinabi ng 37-anyos na beterano na may sapat na lakas at karanasan pa rin ang kanilang core group para muling bumangon sa susunod na season.
“Sa huling dalawang buwan ng regular season pati na sa Houston series, nakita naming may sapat kami para makipagsabayan at makapagpakita ng high-level basketball,” ani Curry. “Hindi man garantiya ang kampeonato, ang importante ay may tsansa kang lumaban.”
Binanggit din ni Curry ang malaking epekto ng pagdating ni Jimmy Butler mula sa Miami, na nagbigay ng bagong sigla sa Warriors sa pagtatapos ng regular season at unang round ng playoffs.
Wala rin umanong balak si Curry na sumali sa anumang torneo sa tag-init, kabilang na ang Paris Olympics, upang makapagpahinga at muling maghanda para sa isa pang championship run.
“Ngayong walang Olympics, puro pahinga at pagbuo ng sarili ang focus. Marami pa akong enerhiya, at excited ako sa offseason,” aniya.
Ayon kay Curry, determinado rin sina Butler, Draymond Green, at head coach Steve Kerr na manatiling palaban, lalo’t lahat sila ay may natitirang dalawang taon sa kontrata.
“Gusto naming lahat na magtagal pa ito. Masaya ako kasi malinaw ang direksyon, kahit marami pang kailangang ayusin sa summer,” dagdag niya.
Partikular na binigyang-diin ni Curry ang magandang chemistry nila ni Butler. “Swabeng-swabe ang pagkakasama namin ni Jimmy. Binigyan niya kami ng panibagong paniniwala na kaya naming talunin kahit sino,” ani Curry.
“Ngayon, kailangan na lang naming buuin ‘yon para sa buong season. Excited na akong simulan muli.”
