UAAP: Bella Belen, itinanghal na alamat ng NU matapos walisin ang Season 87
Ace Alfred Acero Ipinost noong 2025-05-17 11:13:01
May 17 - Itinanghal na alamat ng National University si Bella Belen matapos niyang isara ang kanyang collegiate career sa isa na namang kampeonato at sa isang walang kapantay na resumé sa UAAP volleyball history.
Pinangunahan ni Belen ang NU Lady Bulldogs sa isa na namang championship sweep kontra La Salle sa UAAP Season 87 finals, 2-0, sa harap ng mahigit 15,000 fans. Ito ang kanyang ikawalong UAAP title (kasama ang high school division) at panglimang MVP award, na lalong nagpagtibay sa kanyang estado bilang pinakadakilang NU Bulldog sa kasaysayan.
“Extra special siya sa akin kasi isa sa factors na last playing year na namin,” ani Belen, sabay luha matapos ang tagumpay. “Parang kung gaano kami kaganda pumasok, dapat ganoon din kaganda ‘yung pag-alis namin.”
Bago pa man mamayagpag sa collegiate level, si Belen ay naging alamat na sa high school volleyball matapos niyang iangat ang NU-Nazareth School sa kauna-unahang UAAP girls’ volleyball title noong Season 77 (2015). Sa tulong ni Alyssa Solomon, nagsunod-sunod ang tagumpay ng NUNS na may apat na sunod na titulo (Seasons 77–80) at lima sa anim na seasons.
Pinasabog ni Belen ang collegiate scene sa kanyang pagpasok sa Season 84 nang ihatid ang NU sa perfect 16-0 season at wakasan ang 65-taong title drought ng Lady Bulldogs. Sa parehong taon, siya rin ang naging kauna-unahang Rookie-MVP sa kasaysayan ng UAAP women’s volleyball.
Ngunit sa kabila ng mga tropeo at parangal, mas mahalaga para kay Belen ang samahang nabuo nila sa NU.
“Pag nag-look back ako sa panahon ko sa NU, ‘yung teammates ko agad maalala ko. Hindi ‘yung championship, hindi ‘yung mga trophies. ‘Yung pagsasama at samahan na nabuo namin, hindi ‘yun mapapalitan ng kahit na ano o sino,” aniya.
Sa kanyang pamamaalam, hindi lang isang kampyon ang nawala sa NU—kundi isang alamat na hindi malilimutan.