Diskurso PH
Translate the website into your language:

Boxing: Pacquiao, dedma sa age gap kontra Barrios

Ace Alfred AceroIpinost noong 2025-05-21 12:04:10 Boxing: Pacquiao, dedma sa age gap kontra Barrios

May 21 - Bumalik sa Los Angeles si Manny Pacquiao nitong Linggo ng gabi at agad sumabak sa ensayo kinabukasan kasama ang kanyang longtime trainer na si Freddie Roach, bilang paghahanda sa inaabangang pagbabalik niya sa boxing ring ngayong Hulyo.

Matapos ang halos apat na taong pamamahinga mula sa tunay na laban, nais muling makipagsapalaran ng 46-anyos na boxing legend kontra sa mas batang WBC welterweight champion na si Mario Barrios ng Mexico.

Hindi alintana ni Pacquiao ang 16 taong agwat ng edad kay Barrios, na ipinanganak 116 araw matapos ang kanyang professional debut noong 1994. “Don’t worry about it,” sagot ni Pacquiao sa tanong ukol sa age gap, kasabay ng ngiti at kasama ang kanyang misis na si Jinkee at ang team na pinamumunuan ni Buboy Fernandez.

Nag-workout ng magaan si Pacquiao sa Wild Card Gym sa unang araw ng training, habang pinapurihan ni Roach ang determinasyon ng kanyang alaga. “It’s a tough road, but if anyone can do it, Manny can,” ani Roach sa panayam ng Ring Magazine.

Bagama’t retirado na at may dalawang exhibition fight lang sa kanyang resume mula 2021, determinado si Pacquiao na tapatan – at talunin – ang mas batang world champion. Si Barrios ay may kartadang 29-2-1 na may 18 knockouts ngunit may record ding ilang beses nang na-knockdown.

Hangad ni Pacquiao na balikan ang kasikatan at gayahin ang tagumpay ni George Foreman noong 1994 nang manalo ito ng world title sa edad 45. Para kay Pacquiao, ang hamon ay hindi kung kaya pa niya, kundi kung muling maniniwala sa himala ang buong mundo.

“We’ll see,” ani Pacquiao. At iyan ang aabangan ng buong mundo.