UAAP: Daep, bagong alas ng La Salle matapos iwan ang Perpetual

May 21 - Pormal nang lumipad patungong Taft si Lebron Jhames Daep matapos kumpirmahin ang kanyang commitment sa La Salle, kasabay ng debut game niya bilang Green Archer sa Filoil Preseason Cup 2025.
Agad na nagparamdam ang 6-foot-7 forward matapos magtala ng apat na puntos at tatlong rebounds sa loob lamang ng 15 minuto ng laro, kung saan pinadapa ng La Salle ang Adamson, 65-47, noong Lunes sa Playtime Filoil Centre sa San Juan.
Si Daep ay galing sa Perpetual Junior Altas kung saan siya ang naging NCAA Season 100 MVP at Finals MVP, at nagtala ng makasaysayang kampanya para sa kauna-unahang basketball championship ng eskwelahan mula pa noong 1984.
Bago ang laban, pormal siyang ipinasa ng Perpetual sa pamunuan ng La Salle sa pamamagitan ng isang turnover meeting kina coach Topex Robinson at Perpetual sports VP Anton Tamayo.
“Buong pasasalamat at pagmamalaki naming pinagdiriwang ang bagong yugto sa buhay ni Lebron. Dalangin naming baunin niya ang puso at dangal ng Perpetual saan man siya makarating,” ayon sa pahayag ng Perpetual.
Bukod sa pagiging runner-up kay Kieffer Alas sa NBTC national high school rankings, napabilang din si Daep sa NCAA Mythical at Defensive Teams matapos ang mga season averages na 15.4 puntos, 8.3 rebounds, 1.7 steals, 1.3 assists at 1.0 block.
Sa pagkawala ni Kevin Quiambao na ngayon ay nasa Japan B. League, umaasang magiging susunod na mukha ng Green Archers si Daep sa ilalim ng gabay ni coach Robinson—na dating teammate ng kanyang amang si Rommel Daep sa San Sebastian Golden Stags noong 1990s.