Boxing: Pacquiao, babalik sa ring sa edad na 46 kontra Barrios para sa WBC title

May 22 - Opisyal nang babalik sa professional boxing si Manny Pacquiao sa edad na 46 upang hamunin si Mario Barrios para sa WBC welterweight title sa darating na Hulyo 19 sa MGM Grand, Las Vegas.
“I’m back. Let’s make history!” ani Pacquiao sa social media, kinumpirma ang kanyang pagbabalik mula sa halos apat na taong pagreretiro.
Huling lumaban si Pacquiao noong Agosto 2021 kung saan natalo siya via unanimous decision kay Yordenis Ugas para sa WBA welterweight belt. Ngunit bilang dating kampeon, pinapayagan ng WBC ang pagbabalik ng retiradong kampeon upang direktang hamunin ang kasalukuyang titlist.
May kartadang 62 panalo, 8 talo, 2 tabla, at 39 knockouts, si Pacquiao ang nag-iisang boksingerong nagkampeon sa walong magkakaibang weight divisions.
Samantala, si Barrios ay may record na 29-2-1 at 18 knockouts. Huli siyang lumaban noong Nobyembre 2024 kung saan nagtapos sa draw ang laban niya kontra Abel Ramos para mapanatili ang kanyang korona.
Bago ang kanyang pagbabalik, naging abala si Pacquiao sa mundo ng politika, kabilang na ang kanyang pagtakbo sa pagkapangulo ng Pilipinas noong 2022.