NBA Playoffs: Pacers bumangon mula 17-point deficit, tinambakan ang Knicks sa Game 1 ng East Finals

May 22 - Nagpakitang-gilas ang Indiana Pacers sa isang nakakabiglang pagbangon upang maungusan ang New York Knicks, 138-135, sa overtime sa Game 1 ng NBA Eastern Conference Finals.
Hawak ng Knicks ang laro sa Madison Square Garden at may 14 na puntos na kalamangan pa sa huling 2:51 ng fourth quarter, ngunit biglang sumabog ang opensa ng Pacers.
Bumomba ng anim na sunod na tres ang Indiana—lima rito ay mula kay Aaron Nesmith—para makahabol at isalba ang laban. Halos naipanalo pa sana nila ito sa regulation nang tumira si Tyrese Haliburton mula sa labas sa huling segundo. Tumalbog ito sa ring at pumasok, ngunit sa video replay ay nakita ang kanyang paa na nasa linya ng tres kaya dalawang puntos lamang ang itinawag, dahilan upang pumasok ang laro sa overtime.
Hindi basta bumitaw ang Knicks at nakuha pa ang 135-134 na abante sa natitirang 35.2 segundo sa overtime matapos ang floater ni Jalen Brunson. Subalit isang lay-up mula kay Andrew Nembhard at isang 6-foot dunk mula kay Obi Toppin ang nagtulak sa Pacers sa isang makasaysayang panalo.
Nanguna si Haliburton sa Indiana na may 31 puntos at 11 assists, habang nagtala si Nesmith ng 30 puntos sa mala-perpektong 8-of-9 mula sa tres. Sa panig ng Knicks, bumida si Brunson na may 43 puntos, kasunod si Karl-Anthony Towns na may 35.
Ito na ang ikaapat na pagkakataon sa postseason na nakabawi ang Pacers mula sa 15 puntos o higit pa. Gaganapin ang Game 2 sa New York sa Biyernes (Sabado, oras sa Maynila).