Boxing: Magsayo sasabak sa undercard ng Pacquiao-Barrios sa Las Vegas
Ace Alfred Acero Ipinost noong 2025-05-23 23:09:50
May 23 - Sasabak sa isang 10-round na laban si WBC No. 2 super featherweight Mark Magsayo bilang bahagi ng undercard ng laban ni WBC welterweight champion Mario Barrios kontra Manny Pacquiao sa darating na Hulyo 19 sa MGM Grand Garden Arena, Las Vegas.
Ayon kay MP Promotions head Sean Gibbons, wala pa ring pinal na kalaban si Magsayo. Hindi rin ito magiging eliminator bout matapos umatras si WBC No. 1 contender Rocky Hernandez, na sumailalim umano sa operasyon sa mata.
“Pagkatapos ng laban na ’to, title eliminator na ang susunod ni Mark laban sa isang top contender,” ani Gibbons. Inaasahang kung magtutugma ang schedule at resulta, posibleng magtapat si Magsayo sa isang title bout sa Oktubre 4 sa Smart Araneta Coliseum bilang bahagi ng ika-50 anibersaryo ng “Thrilla In Manila.”
Kasalukuyang nakabase sa Las Vegas si Magsayo at regular na nag-eensayo sa Knuckleheads Gym ni Gibbons. Ngunit simula Hunyo 4, lilipat siya sa Los Angeles upang sumabay sa training ni Pacquiao kasama ang coach na si Marvin Somodio. “Every day ako nag-training sa Vegas kaya maintain ang kundisyon ko. Pag dating ng six to eight weeks before the fight, sa LA kami mag-fine tune ni coach Marvin,” ani Magsayo.
Dumalo rin si Magsayo sa 30th anniversary ng Wild Card Gym ni Freddie Roach at nasilayan ang unang araw ng ensayo ni Pacquiao. “Ang sabi ko kay Kuya Manny ay namimiss na siya ng lahat at excited kami sa laban niya,” kwento niya.
Namangha rin siya sa ipinakitang sigla ni Pacquiao sa ensayo. “Bali wala sa kanya ang apat na taong pahinga. Kahit walang tulog galing flight, tumakbo agad sa umaga at diretso training sa hapon. Iba talaga si Kuya Manny.”
