Diskurso PH
Translate the website into your language:

NBA: Adelman, itinalaga bilang permanenteng head coach ng Nuggets

Ace Alfred AceroIpinost noong 2025-05-23 23:09:53 NBA: Adelman, itinalaga bilang permanenteng head coach ng Nuggets

May 23 - Pormal nang itinalaga ng Denver Nuggets si David Adelman bilang bagong permanenteng head coach ng koponan, ayon sa anunsyo nitong Biyernes (oras sa Maynila), ilang araw matapos ang kanilang pagkakatanggal sa NBA playoffs.

Pansamantalang pinuno noon si Adelman matapos ang biglaang pagpapatalsik kay Michael Malone noong unang bahagi ng Abril, sa huling bahagi ng regular season.

Sa ilalim ni Adelman, naipanalo ng Nuggets ang unang round laban sa Los Angeles Clippers at umabot pa ng Game 7 kontra Oklahoma City Thunder sa Western Conference semifinals.

Si Adelman, 44-anyos, ay naging bahagi ng coaching staff ng Denver simula pa noong 2017 at dati na ring nagtrabaho sa Orlando at Minnesota.

Pinapurihan si Adelman sa pagbuhay ng enerhiya at kumpiyansa ng Nuggets sa kabila ng kontrobersiyang bumalot sa biglaang pag-alis ni Malone.

Matapos matalo sa Game 7 laban sa Thunder, inamin ni Adelman na hindi pa tiyak ang kanyang kinabukasan noon: “Decision-makers will make that decision... If I'm not back next year, I'll never forget this.”

Ikinatuwa ng mga manlalaro ang kanyang opisyal na paghirang. Ayon kay Nikola Jokic, “He made us believe in something... We played a seven-game series with probably the best team in the NBA. I think he did a really good job.”

Dagdag pa ni Aaron Gordon, “I love DA... I hope he gets a full training camp to figure out his philosophy. He's excellent for us.”