Football: Ronaldo, nagpaalam na sa Al Nassr: "This chapter is over”
Ace Alfred Acero Ipinost noong 2025-05-27 16:00:35
May 27 - Nagbigay ng matinding pahiwatig si Cristiano Ronaldo na tapos na ang kanyang panahon sa Al Nassr matapos niyang mag-post sa social media ng "This chapter is over," ilang oras matapos ang pagtatapos ng Saudi Pro League nitong Lunes (Martes sa Maynila).
Ang 40-anyos na si Ronaldo ay sumali sa Al Nassr noong 2022 mula sa Manchester United, at matatapos ang kanyang kontrata ngayong tag-init.
Bagama’t walang opisyal na pahayag mula sa club o kay Ronaldo ukol sa susunod niyang hakbang, malapit nang magbukas ang espesyal na transfer window mula Hunyo 1 hanggang 10 para sa mga koponang kasali sa 2025 FIFA Club World Cup. Hindi kabilang dito ang Al Nassr, ngunit kasali ang karibal nilang Al Hilal.
Si Ronaldo ang nanguna sa liga sa scoring ngayong season na may 24 goals, ngunit nabigo ang Al Nassr na makapasok sa final ng Asian Champions League matapos silang talunin ng Kawasaki Frontale ng Japan. Pangatlo rin lamang ang team sa pagtatapos ng liga.
Sa kabila nito, may posibilidad pa rin na makalaro si Ronaldo sa Club World Cup na gaganapin sa United States sa Hunyo 14, ayon kay FIFA President Gianni Infantino. “There are discussions,” ani Infantino sa isang interview. “Who knows, who knows.”
Nagpakita rin ng pagkilala si Ronaldo sa kanyang post: “The story? Still being written. Grateful to all,” kalakip ang kanyang larawan suot ang Al Nassr kit.
Matatandaang sinabi rin ni Ronaldo noong nakaraang taon na maaari na niyang tapusin ang kanyang karera sa Al Nassr—isang pahayag na tila binawi na niya ngayon.
Samantala, ang karibal niyang si Lionel Messi ay kumpirmadong lalahok sa Club World Cup para sa Inter Miami.
