MPBL: Camson bumida sa makasaysayang 20-20 game; Rizal muling umarangkada sa MPBL
Ace Alfred Acero Ipinost noong 2025-05-28 22:26:20
May 28 - Pinatibay ni Eric Camson ang panig ng Rizal Xentromall matapos magtala ng dambuhalang double-double upang itakas ang panalo kontra Bataan Risers, 82-71, sa pagpapatuloy ng Manny Pacquiao Presents 1xBet-MPBL 2025 Season nitong Martes sa Ynares Arena sa Montalban, Rizal.
Ang 6-foot-4 forward at dating Adamson star ay bumanat ng 24 puntos at 23 rebounds — ang kauna-unahang 20-20 performance ngayong season — upang isalba ang Rizal mula sa pagkatalo sa nakaraang laro at maiangat ang kanilang kartada sa 9-4.
Lumamang na sa iskor na 64-49, pinatibay ng Rizal ang kanilang kontrol sa laro sa pamamagitan ng tatlong sunod-sunod na tres — dalawa mula kay Eric Joseph Pili at isa kay Michael Canete — para lumobo ang lamang sa 73-51 at tuluyang ilayo ang Bataan.
Bukod sa kanyang puntos at rebounds, may ambag din si Camson na dalawang steals at dalawang assists kaya’t tinanghal siyang Best Player of the Game, na nilamangan sina Samboy De Leon (13 pts, 3 rebs, 3 asts) at Alwyn Alday (11 pts, 3 rebs).
Nagpakitang-gilas din para sa Golden Coolers sina Canete (9 pts, 4 rebs, 3 asts) at Keanu Caballero (9 pts, 8 asts, 2 rebs).
Samantala, tuluyang nadulas sa 5-9 ang Bataan matapos ang ikatlong sunod na pagkatalo. Nanguna para sa kanila si Mitchelle Maynes na may 15 puntos at 9 rebounds, habang si Robbi Darang ay nagdagdag ng 14 puntos at 4 assists.
Sa ibang laro, nasilat ng General Santos City ang Binan Tatak Gel, 75-69, sa bisa ng mga crucial basket ni Chris Masaglang at free throws ni Nico Elorde sa huling minuto. Umangat sa 7-6 ang GenSan Warriors sa likod ng 12 puntos ni Kyle Tolentino at 11 puntos nina Larry Rodriguez at Elorde.
Nabigo namang pahabain ng Binan ang kanilang 7-game winning streak at nalaglag sa 8-4 kahit pa umiskor si Kenny Roger Rocacurva ng 14 puntos at si Kristan Hernandez ng 12.
Sa unang laro ng tripleheader, binasag ng Bulacan Kuyas ang 13 sunod na pagkatalo sa pamamagitan ng game-winner ni JR Sumido kontra Paranaque, 71-69. Umiskor si Sumido ng 23 puntos kabilang ang perpektong 12-of-12 sa free throw, upang pangunahan ang panalo ng Kuyas.
Bigo namang makaahon ang Paranaque Patriots sa 1-9 na kartada kahit pa nagsanib-puwersa sina Kevin Buenaflor (17 pts), Lander Canon (13 pts, 10 rebs) at Paolo Castro (10 pts).
Sa Miyerkules, lilipat ang aksyon sa Paco Arena sa Maynila, kung saan magtatapat ang Bacolod at Mindoro (4 PM), Cebu at Basilan (6 PM), at Manila kontra Sarangani (8 PM).
