Tennis: Eala, naisulat ang kasaysayan sa Grand Slam; panalo sa doubles, tagumpay ng bagong henerasyon
Ace Alfred Acero Ipinost noong 2025-05-28 11:00:29
May 28 - Naitala ni Eala ang unang panalo ng isang Pinay sa Grand Slam match
Nagsulat ng kasaysayan si Alexandra Eala ngayong Martes matapos maging kauna-unahang babaeng Pilipina na nanalo ng laban sa isang Grand Slam tennis tournament, sa pamamagitan ng kanilang doubles victory sa French Open kasama si Renata Zarazua ng Mexico.
Tinalo nina Eala at Zarazua ang tambalan nina Emily Appleton ng Britain at Yvonne Cavalle-Reimers ng Spain, 7-5, 6-4, upang umusad sa ikalawang round ng women's doubles competition sa Roland Garros.
Ito ang unang panalo ni Eala sa isang Grand Slam main draw match, dalawang araw matapos siyang mabigo sa kanyang debut sa singles laban kay Emiliana Arango ng Colombia, 0-6, 6-2, 3-6.
“It’s so heartwarming,” pahayag ni Eala sa AFP. “Lagi namang masarap sa pakiramdam kapag nakabawi ka sa doubles pagkatapos ng masakit na pagkatalo sa singles.”
Ipinahayag rin ni Eala ang kanyang tuwa sa pagkakapasok sa Grand Slam doubles draw at sa magandang chemistry nila ni Zarazua. Aniya, sa kabila ng kabiguan sa singles, may mga aral siyang natutunan na dala niya sa doubles.
Nagpapasalamat din ang 20-anyos tennis star sa mainit na suporta mula sa mga kababayan. “Masaya sila na may Pilipinong nakikipaglaban sa main draw sa Paris,” dagdag niya.
Matagal nang nagsasanay si Eala sa Rafael Nadal Academy sa Spain mula edad 13 at bahagi ng bagong henerasyon ng mga Pilipinong atletang sumisikat sa pandaigdigang entablado, kabilang sina Carlos Yulo sa gymnastics at EJ Obiena sa athletics.
“I think we’re entering a new era for Filipino sport,” pahayag ni Eala, binigyang-diin ang sipag, husay, at tibay ng loob ng mga Pilipinong atleta.
