E-Sports: ONIC at Team Liquid, patuloy ang dominasyon sa MPL PH playoffs
Ace Alfred Acero Ipinost noong 2025-05-31 10:38:11
May 30 - Patuloy na pinatutunayan ng Mobile Legends Professional League (MPL) Philippines na ito ang pinakamalakas na rehiyon sa MLBB matapos muling umabot sa full five games ang dalawang serye sa ikalawang araw ng Season 15 Playoffs.
Dalawampung laro na agad ang naitala sa loob lamang ng dalawang araw, patunay sa tapatan at walang gustong magpatalo sa bawat koponan. Matapos ma-eliminate sina Twisted Minds at TNC Pro Team sa unang araw, apat na koponan na lang ang natitira sa ilalim ng double elimination format.
Sa rematch ng nakaraang season’s grand finals, nanatiling walang talo ang ONIC Philippines sa pamamagitan ng 3-2 panalo kontra second seed Aurora. Kahit natalo sa Game 1, bumawi agad ang Super Family sa dominanteng panalo sa Game 2 at 3. Bagamat naitabla ni Jonard “Demonkite” Caranto ang serye gamit ang Hayabusa sa Game 4, sinelyuhan ni King "K1NGKONG" Perez ang panalo sa Game 5 matapos magwagi ng wipeout sa lord fight.
Samantala, kinumpleto ng Team Liquid Philippines ang isang matinding reverse sweep kontra Team Falcons Philippines para manatili sa upper bracket.
Nanganganib nang maibaba sa 0-2, bumawi ang Team Liquid sa mabilis na panalo sa Game 3. Sa Game 4, naging dikdikan ang labanan ngunit napilit nila ang Game 5. Kahit lamang ang Falcons sa early game ng huling laban, bumitaw ng clutch plays si Alston “Sanji” Pabico gamit si Luo Yi upang maisalba ang laban at ibagsak sa lower bracket ang Falcons.
Magpapatuloy ang torneo sa Biyernes, tampok ang upper bracket finals sa pagitan ng ONIC Philippines at Team Liquid Philippines sa ganap na 3:00 ng hapon, kasunod ang lower bracket semifinals sa pagitan ng Aurora at Team Falcons Philippines sa 7:00 ng gabi.
