E-Sports: ONIC PH, pasok na sa MSC 2025; Aurora tuluyang tanggal sa MPL PH
Ace Alfred Acero Ipinost noong 2025-05-31 15:42:50
May 31 - Kumapit na sa unang silya patungong 2025 Mid-Season Cup (MSC) ang ONIC Philippines matapos nitong ilampaso ang Team Liquid Philippines sa upper bracket finals ng MPL Philippines Season 15 Playoffs nitong Biyernes.
Sa ikatlong araw ng Playoffs, mabilis na tinuldukan ng Super Family ang serye sa pamamagitan ng isang malinis na 3-0 sweep kontra sa No. 1 seed, at tuluyang kinamada ang tiket papuntang Esports World Cup sa Riyadh, Saudi Arabia.
Samantala, sinelyuhan ng Team Falcons Philippines ang pagkakatanggal ng Aurora sa torneyo sa pamamagitan ng 3-0 sweep sa kanilang lower bracket semifinals matchup. Bagama’t maagang lumamang ang Aurora sa lahat ng tatlong laban, bumawi ang Falcons matapos ang masakit na reverse sweep na inabot nila noong Huwebes.
Samantala, ginawaran din ng mga prestihiyosong Alamat Awards ang pinakamahuhusay ng Season 15.
Nangibabaw sa Infinix All-Star Team One sina Sanford “Sanford” Vinuya (EXP), Karl “KarlTzy” Nepomuceno (Jungle), at Kiel “Oheb” Soriano (Gold) ng Team Liquid PH; Frince “Super Frince” Ramirez (Mid) mula sa ONIC PH; at Renejay “Renejay” Barcase (Roam) ng Aurora.
Sa BPI All-Star Team Two, pinagsama-sama sina Duane “Kelra” Pillas (Gold), King “K1NGKONG” Perez (Jungle), at Borris “Brusko” Parro (Roam) mula ONIC; at sina Edward “Edward” Dapadap (EXP) at Kenneth “Yue” Tadeo (Mid) mula Aurora.
Sinakop naman ng Super Family ang Smart Fan Choice All-Star Team na kinompleto ng limang pangunahing manlalaro ng ONIC PH, base sa boto ng fans.
Sa individual awards, itinanghal si Lance “LanceCy” Cunanan ng TNC bilang Most Improved Player, habang pinarangalan si Rodel “Arsy” Cruz ng Team Liquid bilang Coach of the Season. Muling kinilala rin si Kiel “Oheb” Soriano bilang Regular Season MVP.
Magpapatuloy ang MPL PH Season 15 sa Sabado para sa lower bracket finals sa pagitan ng Team Falcons PH at Team Liquid PH sa ganap na alas-singko ng hapon.
