Boxing: Lumaban muli si Donaire para sa pandaigdigang titulo, gaya ni Pacquiao
Ace Alfred Acero Ipinost noong 2025-06-03 17:24:43
June 3 - Hindi pa tapos si Nonito “The Filipino Flash” Donaire Jr. sa kanyang misyon sa boxing.
Sa edad na 42, muling sasabak sa laban ang dating apat na divisyong kampeon upang agawin ang WBA interim bantamweight title laban sa mas batang si Andres Campos ng Chile sa darating na Hunyo 14 sa Casino Buenos Aires, Argentina.
Ito ang unang laban ni Donaire matapos ang halos dalawang taong pamamahinga. Huling lumaban ang Filipino-American noong 2023, kung saan natalo siya via unanimous decision kay Alejandro Santiago sa bakanteng WBC bantamweight title — titulong iniwan ni Naoya Inoue nang umakyat ito ng timbang. Taong 2022 naman nang pabagsakin siya ni Inoue via knockout.
Bagamat sunod ang dalawang pagkatalo, muling binigyan si Donaire ng tsansang lumaban para sa world title — isang hakbang na kahalintulad ng ginagawa ng kapwa alamat na si Manny Pacquiao, na sa edad 46 ay nakatakdang hamunin si WBC welterweight champion Mario Barrios sa Hulyo 19.
Si Donaire ay haharap sa 28-anyos na si Campos (17-2-1, 6 KOs), na mas bata sa kanya ng 14 taon. Ngunit hindi ito bago para sa kanya. Noong 2021, sa edad na 38, gumawa siya ng kasaysayan nang talunin si Nordine Oubaali upang tanghaling pinakamatandang WBC bantamweight champion sa kasaysayan.
Bitbit ang kartadang 42 panalo (28 sa knockout) kontra 8 talo, layon ni Donaire na dagdagan pa ang kanyang koleksiyong titulo sa flyweight, super flyweight, bantamweight, at featherweight.
