E-Sports: Inilahad ng Riot Games ang proseso sa likod ng Agent creation ng Valorant
Ace Alfred Acero Ipinost noong 2025-06-03 17:24:41
June 3 - Sa pagdiriwang ng ikalimang anibersaryo ng Valorant, ibinahagi ng mga developer nito ang malalim na proseso ng paglikha ng mga karakter sa laro — isang kumbinasyon ng teknikal na disenyo, naratibo, at kultura.
Sa panayam ng Philstar.com sa Masters Bangkok, ipinaliwanag nina John Goscicki (agents lead) at June Cuervo (senior agent designer) na hindi lang basta pinagsasama-sama ang mga kakayahan ng isang Agent. Layunin nilang bumuo ng isang tauhang may sariling personalidad, kwento, at gameplay experience na tunay at makabuluhan.
Partikular nilang binanggit ang bagong Agent na si Waylay, kung saan kumonsulta pa ang team sa isang eksperto sa kultura at kasaysayan ng Thailand. Ayon kay Goscicki, “Hindi nila kami tinuturuan kung paano buuin ang karakter, pero binibigyan nila kami ng dekalidad na sangkap para ito ay maging makatotohanan.”
Dagdag pa rito, malawak din ang research process — mula sa panonood ng pelikula, pagbabasa ng libro, hanggang sa pakikipag-usap sa mga artist at empleyado ng Riot mula sa iba’t ibang kultura. Sa kaso ni Waylay, dalawang Thai artists mismo ang nakasama sa proseso.
Noong umpisa, ang mga Agent gaya ni Sova ay ginawa base sa mga pangunahing papel sa laro tulad ng recon. Ngunit sa pagdaan ng limang taon, pinapalawak na ngayon ng Riot ang disenyo ng mga karakter upang makapaghatid ng mga bagong mechanics na hindi pa nasusubukan ng mga manlalaro.
“Ang natutunan namin mula sa mga taon ng paglalaro nina Jett, Raze, at Neon ay ginagamit na naming basehan para makagawa ng bagong karakter na parehong malakas at bago,” paliwanag ni Cuervo.
Sa kabila ng mga inobasyon, iginiit ni Cuervo na nakatuon pa rin ang team sa pundasyon ng Valorant. Layunin nilang mas lalo pa itong pagandahin — mula sa balancing, bug fixing, hanggang sa mga feature gaya ng replay system.
Samantala, inaasahan ang susunod na global tournament ng laro — Valorant Masters Toronto — na magsisimula sa June 7. Target ni Patrick “PatMen” Mendoza at ng kaniyang team na Paper Rex na manatili sa Asia-Pacific ang tropeo.
