Boxing: Pacquiao, balik-sabakan kontra Barrios sa edad na 46
Ace Alfred Acero Ipinost noong 2025-06-04 22:12:47
June 4 - Ipinagtanggol ni Manny Pacquiao ang kanyang desisyong bumalik sa boksing sa edad na 46, apat na taon matapos ang kanyang huling laban, habang naghahanda para sa kanyang world title comeback laban kay Mario Barrios sa Hulyo 20 (oras sa Maynila).
Ayon sa 8-division world champion, na-miss niya ang buhay-boksing at naniniwala siyang kaya pa niyang makipagsabayan matapos ang ilang taong pamamahinga. “Na-miss ko ‘yung training camp, press conference, interviews — lahat,” ani Pacquiao sa isang press conference sa Los Angeles. “Pero naging mabuti rin ang pahinga sa katawan ko. Ngayon, handa na ulit ako.”
Inamin niyang labis ang lungkot matapos ang kanyang pagbitiw sa boksing noong 2021 matapos ang pagkatalo kay Yordenis Ugas. “Umiiyak ako. Hindi ko mapigilang lumuha,” sabi niya.
Nang tanungin kung bakit siya bumalik, iginiit ni Pacquiao na ramdam pa rin niya ang bilis at lakas sa mga workout sa kanyang sports facility sa bahay sa Pilipinas.
Bagaman mas bata ng 16 taon si Barrios, sinabi ng kampo ni Pacquiao na suportado siya ng pamilya at aprubado ng Nevada Athletic Commission matapos ang kumpletong medikal na pagsusuri. Pinayagan din siya ng WBC na makalaban agad para sa titulo bilang dating kampeon.
Ayon kay WBC President Mauricio Sulaiman, “Si Manny ay mababang-risk — malusog, disiplinado, at hindi lumabis sa bisyo. Isa siyang family man na inalagaan ang kanyang katawan.”
Sa panig naman ni Barrios, buo ang respeto ngunit determinado rin siyang manalo: “Mahirap siyang hindi gustuhin, pero pagdating sa ring, patayan ‘yan. Kung masaktan niya ako, tiyak na tatapusin niya ako.”
