Tennis: Sinner, Alcaraz magtatapatan sa makasaysayang French Open final
Ace Alfred Acero Ipinost noong 2025-06-07 20:54:33
June 7 - Winasak ni Jannik Sinner ang bid ni Novak Djokovic para sa ika-25 Grand Slam title matapos ang 6-4, 7-5, 7-6 (7/3) panalo sa semifinals ng French Open nitong Biyernes (Sabado, oras sa Maynila) sa Court Philippe Chatrier.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na makapasok ang 23-anyos na Italian sa final ng Roland Garros, kung saan haharapin niya si Carlos Alcaraz, na tumapos sa kampanya ni Lorenzo Musetti matapos itong magretiro sa fourth set dahil sa injury sa hita.
Hindi nakaporma si Djokovic sa mga kritikal na sandali, kabilang ang tatlong set point na hindi niya na-convert sa ikatlong set. Sa edad na 38, sinabi niyang magpo-focus siya ngayon sa Wimbledon sa Hulyo para sa panibagong tsansa sa kasaysayan.
“Sunday is going to be very difficult,” pahayag ni Sinner. “Alam kong hindi pabor sa akin ang head-to-head kontra kay Carlos, pero susubukan kong baguhin iyon.”
Si Alcaraz, kasalukuyang world No. 2, ay abante 4-6, 7-6 (7/3), 6-0, 2-0 nang magdesisyong umatras si Musetti dahil sa injury. Umabot lamang ng 22 minuto ang third set kung saan limang puntos lang ang nakuha ng Italyano.
Ito ang unang Grand Slam final na pagtatapatan ng dalawang lalaking ipinanganak noong 2000s. Hindi pa natatalo sa isang major final ang alinman kina Sinner o Alcaraz.
