PVL: Bagong Yugto! Capital1, lumakas sa PVL draft at free agency
Ace Alfred Acero Ipinost noong 2025-06-09 17:24:23
June 9 - Nagsimula na ang bagong yugto para sa Capital1 Solar Spikers.
Matapos pumili ng mga dekalibreng atleta sa PVL Rookie Draft sa Novotel Hotel nitong Linggo at kumuha pa ng karagdagang lakas mula sa free agency, naging mas malalim at mas mapanganib ang lineup ng bagong prangkisa bago ang paparating na season.
“Ito na ang bagong era ng Capital1,” ayon kay Mandy Romero, co-owner ng koponan kasama ang kapatid na si Milka, sa gitna ng draft event na dinaluhan din ng kanilang ama na si Rep. Mikee Romero at kapatid na si Santi.
Pinangunahan ng kanilang No. 1 overall pick na si Bella Belen mula National University ang seleksyon. Si Belen, isang three-time UAAP champion at MVP, ay itinuturing na agad bilang franchise player ng koponan.
“She will really set the bar for Capital1 much higher,” ani Milka. “Bella is a generational talent, a game-changer,” dagdag pa ni Mandy, kahit hindi nakadalo si Belen dahil nasa Hanoi, Vietnam kasama ang Alas Pilipinas sa AVC Nations Cup.
Bukod kay Belen, kinuha rin ng Capital1 sina Pia Abbu ng UST (14th overall) at Ivy Aquino ng AIMS (24th overall), parehong middle blocker na inaasahang magdadagdag ng depensa at presensya sa net.
Sa free agency naman, nadagdag sa roster sina Jerillie Malabanan, Rachel Austero, Ypril Tapia, KC Galdones, at Nikka Yandoc.
“Lahat ng piraso, bawat taong pinipili namin ay bahagi ng pundasyon ng bagong Capital1,” ani Mandy.
Bukod sa Capital1, marami pang ibang koponan ang lumakas dahil sa draft. Kabilang sa unang round picks sina Jean Asis (Galeries), Alohi Robins-Hardy (Farm Fresh), Lyann de Guzman (Nxled), Alexis Miner (ZUS), at Erin Pangilinan (Cignal). Samantala, nagpatuloy ang seleksyon hanggang sa ikatlong round na may kabuuang 36 na manlalaro ang napili ng iba’t ibang koponan.
“So many teams got stronger because of this draft,” ani PVL president Ricky Palou.
