E-Sports: Puso at tapang ni Sanford tampok sa Esports World Cup docuseries
Ace Alfred Acero Ipinost noong 2025-06-13 16:50:23
June 13 - Itinatampok sa bagong docuseries na Esports World Cup: Level Up ang kwento ng lakas at determinasyon ng mga Pilipinong manlalaro sa Mobile Legends, lalo na ang tagapagbantay ng EXP lane ng Team Liquid Philippines na si Sanford “Sanford” Vinuya.
Sa Episode 2 ng serye na ipapalabas sa Hunyo 13 sa Amazon Prime Video, ibinida ang personal na laban ni Sanford sa gitna ng pinakamalaking torneo sa esports — ang Esports World Cup. Habang lumalaban para sa bansa noong unang EWC sa Riyadh, Saudi Arabia, kinailangan niyang lampasan ang mabigat na pagsubok: ang pagkalagapak ng kanyang ama sa isang malubhang stroke ilang buwan bago ang torneo.
“Nung pinili ako para sa backstory, pumunta pa sila dito sa bahay para ipakita kung sino talaga ako, hindi lang bilang player kundi bilang anak at kapatid,” saad ni Sanford. “Ipinakita rin kung paano ako sinuportahan ng pamilya ko sa kabila ng lahat.”
Ayon kay Mitch Liwanag, Team Liquid Philippines country manager at head of esports, si Sanford ang kanyang piniling bida sa docuseries dahil sa bigat ng mga pagsubok na kinaharap nito — mula sa pagkamatay ng lolo’t tito, hanggang sa pag-aalaga sa ama habang patuloy na bumubuhos ng galing sa pro scene.
“Bata pa si Sanford nung pumasok siya sa team, pero ang dami na niyang dinaanan. Tapos kailangan mong lumipad at lumaro para sa Pilipinas sa gitna ng mga ganung pagsubok? Hindi biro yun,” ani Liwanag. “Pero hanggang ngayon, consistent pa rin si Sanford, professional, at mahal siya ng buong community.”
Bagamat mahiyain, nilakasan ni Sanford ang loob para makapagbahagi ng inspirasyon sa iba, lalo na sa mga kabataang may pinagdadaanan ngunit patuloy ang laban sa larangan ng esports.
“Gusto ko pong ipakita na kahit mahirap ang pinagdadaanan mo, kaya mo pa ring magsumikap. Hindi man ako sanay sa camera, pero proud ako sa sarili ko na nagawa ko ito.”
Para kay Ray Ng ng Moonton Games, malaking tulong ang ganitong mga dokumentaryo para mas makilala pa ng fans ang kanilang mga iniidolo sa labas ng laro. “Hindi lang ito tungkol sa action, kundi sa mga kwento ng bawat manlalaro — kung sino sila sa tunay na buhay,” aniya.
Hiling din ni Liwanag na magsilbing mata ng pag-unawa ang serye sa mga magulang at kabataang patuloy na nag-aalinlangan sa mundo ng esports.
“Ito ang paraan para makita nila na hindi lang laro ang esports — may trabaho, may pangarap, at may kwento ng tagumpay sa kabila ng hirap,” pagtatapos niya.
