Diskurso PH
Translate the website into your language:

NBA Finals: ‘Kaya yan!’: Gilgeous-Alexander, di alintana ang pagod sa NBA Finals

Ace Alfred AceroIpinost noong 2025-06-13 16:50:22 NBA Finals: ‘Kaya yan!’: Gilgeous-Alexander, di alintana ang pagod sa NBA Finals

June 13 - Hindi nagpapadala sa pagod si Shai Gilgeous-Alexander kahit dehado na ang Oklahoma City Thunder, 2-1, sa serye kontra Indiana Pacers sa NBA Finals.

“Kailangan mong tiisin,” ani Gilgeous-Alexander nitong Huwebes (Biyernes sa Maynila), isang araw matapos silang gulatin ng Pacers sa Game 3 sa pamamagitan ng matinding fourth quarter comeback sa Gainbridge Fieldhouse, Indianapolis.

“Maximum na apat na laro na lang ang natitira sa season. Dito mo ginugol ang buong taon at tag-init sa pag-eensayo. Kailangan mo na lang tiisin at humanap ng paraan para manalo.”

Hindi direktang inamin ng NBA MVP na napagod siya sa huling yugto ng Game 3, ngunit lumamlam ang kanyang laro. Matapos ang kabuuang 72 puntos sa Games 1 at 2, bumaba ang kanyang produksyon sa 24 puntos sa Game 3—tatlo lang dito sa fourth quarter—at nagtala rin ng anim na turnovers, pinakamataas sa isang playoff game para sa kanya.

Ayon sa guard ng Indiana na si Andrew Nembhard, team effort ang ginagawa nila upang pahirapan si Gilgeous-Alexander. “Kailangan lang naming maging consistent at solid bilang isang unit sa depensa.”

Pero giit ni SGA, hindi niya tiyak kung pagod nga ang dahilan ng kanilang pagbagsak sa dulo ng laro kung saan na-outscore sila ng Indiana, 32-18.

“Hindi ako sigurado,” ani niya. “Maraming physical na laro na kaming pinagdaanan. May mga laban na mahusay ako sa dulo, may mga laban din na sablay.”

Patuloy umano siyang maglalaro sa istilong natural sa kanya.

“Ganito na ako mula pa noon. Ganito ang leadership ko buong taon—organic at totoo sa sarili ko.”

May tiwala rin si Thunder coach Mark Daigneault sa kanyang MVP.

“Isa sa mga pinakamalaking kalakasan ni Shai ay ang kakayahang mag-move on—mula sa isang possession, papunta sa susunod na laro. Siya ang huli sa listahan ng mga pinoproblema ko,” pahayag ng coach.