AVC: Alas Pilipinas, tumalon ng 10 puwesto sa world volleyball rankings
Ace Alfred Acero Ipinost noong 2025-06-14 17:05:29
June 14 - Lumipad paitaas ang Alas Pilipinas hindi lamang sa AVC Challenge Cup finals sa Hanoi, Vietnam kundi pati na rin sa FIVB world rankings matapos umakyat ng 10 baitang—mula No. 56 patungong No. 46.
Ang pag-angat ay naganap matapos ang makasaysayang limang set na panalo kontra sa mas mataas na ranked na Chinese Taipei, 25-17, 25-21, 18-25, 15-25, 15-12, sa harap ng punung-punong Dong Anh Arena. Itinulak nito ang national team patungo sa inaabangang gold medal showdown kontra sa host Vietnam — ang kanilang matagal nang karibal.
Nauna nang nalampasan ng Alas ang Mongolia, New Zealand, Indonesia, India, at ang World No. 32 Kazakhstan sa Pool B upang umabante sa semis. Naging balakid lang sa mas mataas pa sanang pag-angat ang masakit na pagkatalo sa Iran, na nagwagi sa limang set.
Ayon kay Philippine National Volleyball Federation (PNVF) president Tatz Suzara, patunay ito na gumagana ang programa ng bansa sa volleyball.
“Ang programa ay gumagana,” ani Suzara, na lumipad pa-Vietnam upang personal na saksihan ang laban. “Tatlong taon na tayong paakyat sa lahat ng volleyball disciplines—indoor at beach—dahil sa suporta ng ating stakeholders.”
Mula nang hawakan ng PNVF ang pamumuno sa sport apat na taon na ang nakalilipas, lumundag na ang Pilipinas mula No. 156 hanggang No. 66 noong 2023. Sa bronze finish ng Alas noong nakaraang taon sa Rizal Memorial Coliseum, umakyat pa ang bansa sa No. 58.
Kung tatalunin ng Alas ang Vietnam sa kanilang finals match ngayong gabi, posible pa ang karagdagang pagtaas ng ranggo.
“Last year, bronze ang naabot natin. Ngayon, mas mataas pa ang tinutumbok,” wika ni team captain at setter Jia de Guzman. “Ibibigay lang namin ulit ang aming buong puso — at para ito sa bayan.”
