Diskurso PH
Translate the website into your language:

NBA: Banchero, pumirma ng $239M extension sa Magic hanggang 2030

Ace Alfred AceroIpinost noong 2025-07-08 15:33:46 NBA: Banchero, pumirma ng $239M extension sa Magic hanggang 2030

July 9 - Tuloy ang pamamayagpag ni Paolo Banchero sa Orlando matapos pumirma ng limang taong maximum rookie extension na nagkakahalaga ng $239 milyon, ayon sa ulat nitong Martes (Manila time).

Maaaring umabot sa $287 milyon ang kontrata ni Banchero depende sa mga insentibong nakapaloob gaya ng pagiging NBA MVP, Defensive Player of the Year, o pagiging bahagi ng All-NBA o All-Defensive team sa darating na season.

Ayon sa ESPN, The Athletic, at Orlando Sentinel, may player option din si Banchero para sa 2030-31 season.

Bagamat nagtamo ng torn oblique at nawala ng halos dalawang buwan noong 2024-25 season, nagtala pa rin ang 22-anyos na forward ng career-high averages: 25.9 puntos, 7.5 rebounds, at 4.6 assists kada laro.

Si Banchero, na top pick noong 2022 NBA Draft at 2023 Rookie of the Year, ay may average na 22.4 puntos, 7.1 rebounds at 4.6 assists sa loob ng kanyang unang tatlong taon sa liga.

Mas lalalim pa ang puwersa ng Magic sa mga susunod na taon dahil sa pagkakaroon nila ng matatag na core na binubuo nina Banchero, Franz Wagner, at Jalen Suggs, na pareho ring nakakontrata hanggang limang taon.

Kasama rin sa binuo nilang pwersa ang guard na si Desmond Bane, na nakuha mula Memphis at may kontrata hanggang 2029.