Diskurso PH
Translate the website into your language:

Basketball: Abando bukas sa pagbabalik-Gilas para sa FIBA Asia Cup

Ace Alfred AceroIpinost noong 2025-07-10 20:09:15 Basketball: Abando bukas sa pagbabalik-Gilas para sa FIBA Asia Cup

July 10 - Walang pag-aalinlangang tatanggapin ni Rhenz Abando ang panibagong pagkakataon na makapaglaro para sa Gilas Pilipinas, matapos siyang mapasama sa pool para sa nalalapit na FIBA Asia Cup.

“Ba’t ko pa pagdedesisyunan yun, ’di ba? Gilas na ‘yun e,” ani Abando, 27, sa panayam sa gilid ng ensayo ng Strong Group Athletics-Pilipinas nitong Miyerkules sa Maynila.

Ayon kay Abando, naging bukas din ang Gilas staff sa sitwasyong kasalukuyan siyang naka-commit sa Strong Group na lalaban sa Jones Cup sa Taiwan simula Linggo, kaya’t walang naging aberya sa kanyang pagsama sa national pool.

Matatandaang naging bahagi si Abando ng Gilas squads sa 2022 FIBA Asia Cup, 2023 FIBA World Cup Asian Qualifiers, at 2023 FIBA World Cup kung saan umani ng papuri ang kanyang depensa at mga high-flying plays sa harap ng home crowd sa Maynila.

Kasama si Abando sa apat na bagong pangalan sa pool ni head coach Tim Cone, kabilang sina Zav Lucero ng Magnolia, RJ Abarrientos ng Ginebra, at Troy Rosario.

“Sobrang happy ako kasi naging part ako ng Gilas pool, at sana ‘pag na-line up ako, gagawin ko lahat,” dagdag pa ng dating Letran Knights star.

Sa ngayon ay nakatutok muna si Abando sa layuning depensahan ng Strong Group Athletics ang kanilang titulo sa Jones Cup.