Diskurso PH
Translate the website into your language:

Basketball: Gomez-de Liano bukas sa pagbabalik-PBA matapos ang Korea stint

Ace Alfred AceroIpinost noong 2025-07-10 20:09:16 Basketball: Gomez-de Liano bukas sa pagbabalik-PBA matapos ang Korea stint

July 10 - Hindi isinasara ni Javi Gomez-de Liano ang posibilidad ng pagbabalik sa PBA matapos siyang tanggalin sa kontrata ng Anyang Jung Kwan Jang Red Boosters sa Korean Basketball League.

Bagamat inaasam pa rin ng 26-anyos na dating Terrafirma Dyip wingman ang panibagong stint sa international basketball, inamin niya na isa sa mga tinitingnan niyang option ay ang muling paglaro sa Pilipinas.

“Everything’s open. Iniisip ko rin talaga na baka bumalik ako sa PBA,” ani Gomez-de Liano sa panayam sa sidelines ng ensayo ng Strong Group Athletics-Pilipinas nitong Miyerkules. “Isang malaking dahilan niyan, baka sumali sa draft ang kapatid ko.”

Ayon kay Javi, bago pa man siya muling pumirma ng extension sa Anyang, halos buo na ang loob niyang bumalik sa Terrafirma. “Pinag-uusapan na ‘yung trade noon pero hindi matuloy kasi freeze status sila habang binebenta ang team. Mahabang hintayan kung aabutin ng August o September, kaya nagdesisyon akong tumuloy muna sa Korea.”

Matapos ang quarterfinal run ng Terrafirma sa Philippine Cup, naghiwa-hiwalay ang core ng team — si Stephen Holt napunta sa Ginebra, si Juami Tiongson sa San Miguel, at si Gomez-de Liano ay lumipad patungong Korea.

Ngayon, bukas siya sa muling pagdadala ng winning culture sa isang bagong Terrafirma — o sa bagong team na bibili sa prangkisa.

“Sana ‘yung bibili ng team, hindi lang players ang gustong manalo, kundi pati management at team owner. Gusto ko talagang dalhin ulit ‘yung winning mindset. Hindi na sana maging kulelat o farm team,” aniya.

Sa ngayon, tutok si Gomez-de Liano sa kanyang unang kampanya sa Jones Cup sa ilalim ni coach Charles Tiu, ang parehong coach na kanyang nakasama nang mag-kampeon sila sa 2019 Dubai International Basketball Tournament.

“Bucket list ko talaga na makapaglaro sa Jones Cup para sa Pilipinas. Sobrang excited na akong makalaban,” dagdag niya.