Basketball: Siya nga ba ang unang biktima? Racist na netizen kinasuhan sa Australia dahil sa pambabastos kay ex-NBA star!
Ace Alfred Acero Ipinost noong 2025-07-12 14:47:16
July 11 - Isang kasaysayan ang naisulat sa mundo ng basketball sa Australia matapos kasuhan ang isang lalaki dahil sa umano'y racist na mensahe sa isang sikat na manlalaro ng National Basketball League (NBL), ayon sa Basketball Australia nitong Biyernes.
Inaresto ng pulisya ang 37-anyos na suspek nitong buwang ito matapos magpadala ng mapanirang mensahe sa social media ng naturang manlalaro.
Bagamat hindi pinangalanan ng Basketball Australia ang atleta, kinumpirma ng News Corp at ABC na si dating NBA Sixth Man of the Year Montrezl Harrell ng Adelaide 36ers ang biktima.
Si Harrell, isang American power forward na dati ring naglaro para sa Houston Rockets at Los Angeles Clippers, ay kasalukuyang naka-kontrata sa 36ers.
Ayon sa Basketball Australia, ito ang kauna-unahang matagumpay na kaso ng ganitong uri sa kasaysayan ng sport sa bansa — isang makasaysayang hakbang laban sa online racial abuse.
“Ito ay malinaw na pahayag ng zero tolerance. Mahalaga na maintindihan ng publiko na may batas na umiiral laban sa ganitong uri ng pag-uugali,” saad ng tagapagsalita ng BA Integrity Unit.
Kinasuhan ang suspek ng paggamit ng carriage service (tulad ng telepono, email, o social media) para mang-harass o mambastos. Nakalaya siya pansamantala at nakatakdang humarap sa korte sa Melbourne sa Agosto 15.
Sa pahayag ng Adelaide 36ers, sinabi nilang “alam ng player ang nangyaring arrest at kampante siya sa kung paano ito naresolba.”
Pinuri ng koponan ang Victoria Police at ang Basketball Australia Integrity Unit sa kanilang matatag na posisyon laban sa diskriminasyon.
