NBA: Siya nga ba ang pinakamahal sa kasaysayan? Devin Booker, pumirma ng ₱8.4B extension sa Suns!
Ace Alfred Acero Ipinost noong 2025-07-12 14:47:15
July 11 - Pinagpatuloy ni Devin Booker ang kanyang legacy sa Phoenix matapos pumirma ng dalawang taong kontrata na nagkakahalaga ng $145 milyon (humigit-kumulang ₱8.4 bilyon), ayon sa ulat ng ESPN nitong Biyernes.
Ang extension na may taunang sahod na $72.5 milyon ay itinuturing na pinakamalaki sa kasaysayan ng NBA base sa annual average value.
Hindi man kinumpirma ng Phoenix Suns ang eksaktong halaga, naglabas ng pahayag si team owner Mat Ishbia na nagsabing, “Si Devin Booker ang mukha ng Phoenix Suns — kinakatawan niya ang pinakamainam sa aming koponan, komunidad at kinabukasan.”
Mananatili si Booker sa Suns hanggang sa 2029-30 season at tinalo ang kasunduan ni Shai Gilgeous-Alexander ng Oklahoma City Thunder na may apat na taong $285 milyon na extension.
Si Booker, isang four-time All-Star at two-time Olympic gold medalist, ay nag-average ng mahigit 25 puntos kada laro sa nakaraang pitong seasons. Siya rin ang kasalukuyang all-time leading scorer ng Suns.
Nadala niya ang Suns sa NBA Finals noong 2021 pero bigong magkampeon kontra Milwaukee Bucks. Nitong nakaraang season, kahit may pinakamataas na payroll sa kasaysayan dahil sa mga superstar na sina Kevin Durant at Bradley Beal, ay hindi nakaabot ng playoffs ang Suns at pinatalsik si Coach Mike Budenholzer.
Matapos ang season, ipinagpalit si Durant sa Houston bilang bahagi ng seven-team mega trade na nagdala kina Dillon Brooks, Jalen Green, at top rookie pick na si Khaman Maluach sa Phoenix.
Tinukoy ng Suns si Jordan Ott bilang bagong head coach noong Hunyo, na kilala umano sa pag-develop ng players at pagbuo ng chemistry.
