NBA: Siya nga ba ang tunay na haligi ng OKC? Jalen Williams tinapatan ang kontrata ni Shai sa $287-M deal!
Ace Alfred Acero Ipinost noong 2025-07-12 14:47:18
July 11 - Tuloy-tuloy ang pamumuhunan ng Oklahoma City Thunder sa kanilang bagong championship core matapos pumayag si Jalen Williams sa isang limang taong kontrata na nagkakahalaga ng hanggang $287 milyon (₱16.8 bilyon), ayon sa ulat ng ESPN nitong Biyernes.
Si Williams, 24-anyos at All-Star forward, ay ang pinakabagong bahagi ng Thunder Big 3 na nag-extend ng kontrata ngayong linggo — kasunod ni Finals MVP Shai Gilgeous-Alexander ($285M/4 taon) at Chet Holmgren ($250M/5 taon).
Sa nasabing deal, mananatili si Williams sa Oklahoma City hanggang 2031, kasabay ng ambisyon ng koponan na magtayo ng dinastiya kasama ang kanilang batang core.
Tinanghal na ikalawang pinakabatang team sa kasaysayan na nagkampeon sa NBA, tinalo ng Thunder ang Indiana Pacers sa pitong laro upang kunin ang unang titulo ng prangkisa mula nang lumipat sa Oklahoma noong 2008.
Nag-average si Williams ng 21.6 puntos, 5.3 rebounds at 5.1 assists sa regular season, at halos pareho rin sa playoffs — kahit pa siya ay may tinagong injury.
Sa isang YouTube video ngayong linggo, isiniwalat ng 6-foot-6 swingman na nakatanggap siya ng 28 o 29 painkilling injections upang malampasan ang torn ligament sa kanang pulsuhan, na lumala pa mula sa dati nang sprain.
Sa NBA Finals, lalo siyang humataw — mula 17 puntos sa Game 1 hanggang 40 puntos sa Game 5. Noong Hulyo 1, sumailalim siya sa operasyon at muling susuriin matapos ang 12 linggo.
“Pinatunayan niya ang kanyang tibay hindi lang sa katawan kundi sa isip,” ayon kay Thunder GM Sam Presti. “Tahimik lang siya pero malaki ang puso. Wala siyang reklamo. At ang mahalaga, naglaro siya ng pinaka-magaling sa pinakamahalagang bahagi ng season.”
