Boxing: Siya pa rin ba ang ‘Pambansang Kamao’? Pacquiao tumigil na sa sparring bago ang matinding sagupaan vs Barrios!
Ace Alfred Acero Ipinost noong 2025-07-14 18:02:49
July 14 - Tinapos na ni Manny Pacquiao ang kanyang matinding ensayo sa Los Angeles habang papalapit ang kanyang pagbabalik sa entablado ng boksing sa darating na Sabado (Linggo sa Pilipinas), laban kay WBC welterweight champion Mario Barrios sa MGM Grand, Las Vegas.
Matapos ang halos dalawang buwang training camp, nagbawas na ng physical workload ang 46-anyos na boxing legend—isang palatandaan na handa na siya para sa kanyang unang laban mula noong 2021.
“Pinaghirapan ko ‘yung training para siguradong makapagbigay ako ng magandang laban,” pahayag ni Pacquiao sa isang hype video ng Premier Boxing Champions.
Noong Sabado (Linggo sa Manila), huling sumalang si Pacquiao sa sparring sa Wild Card Gym, kung saan nakaapat na round siya kontra kay Saul Bustos (15-2-1), isang fighter na halos kapareho ng taas at istilo ni Barrios.
Bagama’t mas bata at mas malaki si Barrios, kumpiyansa si Pacquiao na sapat ang kanyang preparasyon. “Alam ko na nagsipag din si Barrios. Ipinagtatanggol niya ang kanyang sinturon, pero ako, challenger. Ako ang kailangang magdoble-kayod.”
Ang dating eight-division champion ay apat na taon nang hindi nakikipaglaban mula nang matalo kay Yordenis Ugas—isang boksingerong napabagsak ni Barrios nang dalawang beses noong 2023.
Martes ng umaga sa Pilipinas nakatakdang isagawa ni Pacquiao ang huling magaan na workout bago lumipad patungong Las Vegas para sa fight week.
“Pinagod ko talaga ang sarili ko sa training. 'Yun ang dapat gawin ng challenger kung gusto mong manalo,” giit ni Pacquiao.
