Basketball: Spurs pinatigil na si Dylan Harper sa NBA Summer League
Ace Alfred Acero Ipinost noong 2025-07-18 10:33:32
July 17 - Itinigil na ng San Antonio Spurs ang paglalaro ni Dylan Harper sa NBA Summer League matapos lamang ang dalawang laro, ayon sa ulat ng ESPN.
Bagama’t hindi na sumali si Harper sa California Classic nitong buwan dahil sa minor groin injury, nilinaw ng ulat ni Michael C. Wright ng ESPN na wala itong kinalaman sa kanyang pagpahinga.
“They’ve seen enough,” ani Wright. Sa dalawang laro, nag-average si Harper ng 16 puntos, 4 rebounds, 2 assists at isang steal sa loob ng 21 minutong playing time.
Bumida si Harper sa kanyang Summer League debut kontra kay No. 1 overall pick Cooper Flagg at sa Dallas Mavericks, kung saan pinangunahan niya ang Spurs sa 76-69 panalo sa pamamagitan ng 16 puntos, 6 rebounds, 2 assists, 2 steals at isang block sa loob ng 20 minuto.
“Ramdam mo agad ‘yung impact niya,” ani Spurs summer league coach Mike Noyes. “Hindi siya matagal sa loob dahil matagal na rin siyang walang laro, pero bawat minuto ay sulit.”
Sa ikalawang laro kontra Utah Jazz, nagpakita muli si Harper ng clutch play sa huling 4.7 segundo para itabla ang laro at ipadala sa overtime. Sa buzzer, ipinasok ni Riley Minix ang panalong tira para sa 93-91 comeback win.
Tumapos si Harper ng 16 puntos, 2 assists, at 2 rebounds sa loob ng 24 minuto.
Gayunman, nabanggit ni ESPN analyst Kevin Pelton ang concern sa kanyang shooting. Sa dalawang laro, 1-of-8 lamang si Harper mula sa tres, bagama’t may 33.3% three-point shooting siya noong nasa Rutgers.
Ayon kay Pelton, ang bilis ng kanyang improvement mula sa labas ang magiging batayan kung kailan siya magiging regular starter para sa Spurs.
Si Harper, na ikalawang overall pick sa 2025 NBA Draft, ay may third-best odds (+1200) para sa Rookie of the Year ayon sa Gameshub.com. Nangunguna si Flagg (+250), habang sina Ace Bailey ng Jazz at Tre Johnson ng Wizards ay parehong nasa +700.
Magbabalik si Harper sa aksyon sa preseason opener ng Spurs sa Oktubre 8 kontra Miami Heat sa Florida.
