Ginto para sa Pinas: Kira Ellis, wagi sa Europe Triathlon Junior Women Cup sa Latvia
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-08-19 22:23:21
EUROPE — Muling pinatunayan ng pambato ng Pilipinas na si Kira Ellis ang kaniyang husay matapos maghari sa 2025 Europe Triathlon Junior Women Cup na ginanap nitong weekend sa Riga, Latvia.
Sa oras na 1:05:07, tinalo ng 18-anyos na si Ellis ang 15 katunggali mula sa 10 bansa sa elite race na binubuo ng 750m swim, 22km bike, at 5.1km run. Bagama’t dikit ang laban sa unang bahagi ng kumpetisyon, nakalayo siya sa huling yugto ng takbuhan upang maagaw ang panalo laban kina Luca Vanderbruggen ng Belgium (1:05:17) at Sarah Walter ng Germany (1:05:22).
Itinuturing na isang malakas na pagbabalik ang tagumpay na ito matapos maantala ang kanyang training dahil sa shin injury na tinamo niya ngayong buwan. Gayunpaman, sa tulong ng high-performance training camp sa Portugal na sinuportahan ng Philippine Sports Commission (PSC), muling nabawi ni Ellis ang kanyang porma.
“Philippine Elite triathlete Kira Ellis delivered a stellar performance to win the European Junior Cup in Riga, marking a significant achievement for Triathlon Philippines on the international stage,” pahayag ng Triathlon Association of the Philippines.
Si Ellis ay hindi na bago sa pagbibigay ng karangalan para sa bansa. Siya ang gold medalist sa aquathlon noong 2023 Cambodia SEA Games, at muli siyang inaasahang mamuno sa delegasyon ng Pilipinas sa Southeast Asian Games sa Thailand ngayong Disyembre.
Bukod dito, si Ellis, na varsity athlete ng Queens University of Charlotte sa North Carolina, ay nagwagi rin sa 2024 Asia Triathlon Junior Cup, dahilan para maituring siyang isa sa mga pinakainaabangang atleta ng bansa sa mga darating pang international competitions.
Sa kaniyang panalo, muling naipakita ni Ellis na ang Pilipinas ay may kakayahang makipagsabayan at magtagumpay sa pandaigdigang entablado ng triathlon. (Larawan: Kira Ellis / Fb)
