Diskurso PH
Translate the website into your language:

Sa Kabila ng Bagyo; HRep, Itinuloy ang Deliberasyon sa 2026 National Budget

Jaybee Co-AngIpinost noong 2025-09-26 17:52:28 Sa Kabila ng Bagyo; HRep, Itinuloy ang Deliberasyon sa 2026 National Budget

Hindi alintana ang banta ng malakas na ulan at hangin na dala ng Severe Tropical Storm Opong sa pagpapatuloy ng sesyon ng House of Representatives ngayong araw. Sa pamumuno ni Speaker Faustino “Bojie” Dy III, itinuloy ng Kamara ang plenary deliberations para sa House Bill No. 4058 o ang FY 2026 General Appropriations Bill (GAB).

Sa kabila ng masamang panahon, ipinakita ng House of Representatives ang kanilang dedikasyon na maipasa sa tamang oras ang pambansang pondo para sa susunod na taon. Ayon kay Speaker Dy, prayoridad ng HRep ang masiguro na ang budget ay transparent, malinis, at makikinabang ang taumbayan.

Para sa sesyon ngayong araw, tinapos ng Kamara ang period of sponsorship and debate para sa mga budget ng sumusunod na ahensya:

  • Philippine Center for Economic Development (PCED)

  • Optical Media Board (OMB)

  • Philippine Postal Corporation (PHLPost)

  • Film Development Council of the Philippines (FDCP)

  • Philippine Space Agency (PhilSA)

  • Governance Commission for GOCCs (GCG)

  • Climate Change Commission (CCC)

  • Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB)

  • Department of Energy (DOE)

  • Energy Regulatory Commission (ERC)

Ang pagpapatuloy ng deliberasyon ay bahagi ng masusing proseso upang matiyak na bawat piso ng pambansang pondo ay mapupunta sa tamang programa at proyekto. Ipinunto rin ng mga mambabatas na mahalagang mapabilis ang deliberasyon nang hindi isinasakripisyo ang transparency at accountability.

Bukod sa pagsisiguro na maipapasa ang GAB sa itinakdang panahon, tiniyak din ni Speaker Dy na nakatuon ang Kamara sa pangangailangan ng mga Pilipino, lalo na sa mga programang makakaapekto sa ekonomiya, kalusugan, imprastruktura, at climate resilience.

Sa pagpapatuloy ng budget hearings, inaasahang tatalakayin pa ang mga alokasyon para sa iba pang pangunahing departamento at ahensya ng gobyerno.

Sa huli, iginiit ni Speaker Dy na ang FY 2026 National Budget ay magiging makatao, makabayan, at makabuluhan, at magsisilbing gabay sa mas maayos na paghahatid ng serbisyo publiko sa susunod na taon.