Sen. Kiko Pangilinan: Hinihikayat ang COA na Imbestigahan ang Lahat ng Auditors sa Flood Control Projects
Jaybee Co-Ang Ipinost noong 2025-09-26 14:39:40
Nitong Miyerkules, September 24, hinikayat ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan ang Commission on Audit (COA) na magsagawa ng komprehensibong imbestigasyon sa lahat ng auditors na sangkot sa planning, approval, at execution ng mga flood control infrastructure projects, kasunod ng lumalalang kontrobersiya sa umano’y partisipasyon ng isang COA commissioner.
Ayon sa dating DPWH Bulacan district engineer Henry Alcantara, si COA Commissioner Mario Lipana umano ang humingi ng listahan ng mga flood control projects sa kanyang distrito para ma-facilitate ang P1.4 bilyong budget insertions. Dagdag pa rito, ang asawa ni Lipana na si Marilou ay president at general manager ng Olympus Mining and Builders Group Philippines Corporation, na nakakuha ng flood control contracts na nagkakahalaga ng P326 milyon, base sa COA hearings sa House of Representatives noong Setyembre 11.
“Saan ka naman nakakita na COA commissioner ka tapos maglalako ka ng listahan ng flood control projects? Tapos malalaman natin na ang kanyang misis pala ay isang contractor ng DPWH na nakatanggap ng daan-daang milyong halaga na kontrata? Hindi ba maling-mali iyon?” ani Pangilinan. Hinikayat niya ang COA na magsagawa ng internal investigation sa kanilang auditors upang tiyakin ang integridad ng ahensya.
Nilinaw ng senador ang kahalagahan ng transparency at accountability, lalo na sa gitna ng lumalalang galit ng publiko sa umano’y maling paggamit ng pondo para sa mga kritikal na flood mitigation projects. Ayon sa mga ulat at testimonya, may posibleng irregularities sa procurement process, substandard na implementasyon, at posibleng kolusyon sa pagitan ng ilang public officials at private contractors.
“Bawat pisong ninakaw mula sa mga proyektong ito ay pagtataksil sa taong bayan, lalong-lalo na yung mga buhay, bahay, at pangkabuhayan na nalalagay sa panganib tuwing may bagyo, ulan, at baha,” dagdag ni Pangilinan.
Noong nakaraang weekend, libu-libong Pilipino ang lumahok sa “Trillion Peso March” bilang protesta sa multi-billion-peso flood control scandal, na umano’y kinasasangkutan ng mga mataas na opisyal ng gobyerno at ilang private contractors.
Sa kanyang panawagan, binigyang-diin ni Pangilinan ang papel ng COA sa pagtiyak na ang mga pondo ng gobyerno ay nagagamit nang tama at ang mga proyekto ay nai-implementa nang maayos, protektado ang interes ng publiko, at ligtas ang mga komunidad laban sa panganib ng baha at kalamidad.