Senado, Isinusulong ang Mas Mataas na Pondo sa SUCs
Jaybee Co-Ang Ipinost noong 2025-09-27 15:56:24
Nagpulong ang Senate Finance Subcommittee A, pinamumunuan ni Senador Win Gatchalian, nitong Sabado, September 27, 2025, para talakayin ang alokasyon ng pondo para sa State Universities and Colleges (SUCs) sa ilalim ng 2026 National Expenditure Program (NEP).
Sa kasalukuyang panukala, nakalaan ang kabuuang ₱128.825 bilyon para sa SUCs. Pero ayon sa mga senador, kulang pa rin ito para matugunan ang lumalaking pangangailangan ng public higher education sector. Dahil dito, nangako si Gatchalian ng dagdag na ₱13 bilyon para punan ang kakulangan at para masiguro ang pagpapatuloy ng mga programang gaya ng libreng kolehiyo sa ilalim ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act o RA 10931.
Binanggit ni Gatchalian na ang mas mataas na budget ay mahalaga para mapanatili ang kalidad ng tertiary education, mapabuti ang pasilidad, at masuportahan ang mga guro at estudyante. Aniya, malaking puhunan ang edukasyon para masiguro ang mas competitive na workforce ng bansa.
Kasabay nito, nagpahayag din ng suporta si Senador Francis “Kiko” Pangilinan sa dagdag na pondo para sa SUCs. Binigyang-diin niya ang pangangailangang tugunan ang mababang participation rate ng mga estudyante at palawakin ang access sa kolehiyo. Hinikayat din niya ang SUCs na suportahan ang pagpapatupad ng Sagip Saka Act sa pamamagitan ng direktang pagbili ng pagkain mula sa lokal na magsasaka at mangingisda, na makakatulong sa parehong sektor ng agrikultura at edukasyon.
Sa pagdinig, nagprisinta ng kanilang panukalang budget ang mga kinatawan ng SUCs na pinamumunuan ni Philippine Association of State Universities and Colleges (PASUC) president Tirso Ronquillo. Ipinaliwanag nila ang pangangailangang pondohan ang mga academic programs, research projects, at community services. Dumalo rin si CHED Commissioner Shirley Agrupis para tiyakin na naka-align ang plano ng SUCs sa mas malawak na polisiya ng Commission on Higher Education.
Sa kabuuan, nagpakita ng pagkakaisa ang mga senador sa layunin na masiguro ang sapat na pondo para sa SUCs. Sa mahigit 1.5 milyong estudyante na naka-enroll sa mga pampublikong pamantasan sa buong bansa, iginiit ng Senado na ang bawat pisong inilaan sa tertiary education ay direktang puhunan para sa kinabukasan ng mga kabataan at ng ekonomiya ng bansa.
Ang panukalang budget ng SUCs ay bahagi ng mas malawak na deliberasyon sa 2026 General Appropriations Bill na kasalukuyang tinatalakay sa Kongreso.