Pure Ride Ride-Hailing App Ilulunsad Sa Araw Ng Mga Puso
Mae Lani Rose Granados Ipinost noong 2025-02-12 12:26:03
Hindi lang si Kupido ang darating ngayong Araw ng mga Puso.
Isang bagong ride-hailing app ang nakatakdang magbigay ng bagong alternatibo sa mga commuter sa Pilipinas. "Pure Ride is set to launch on Friday, February 14," na nag-aalok ng mas abot-kayang pamasahe at patas na kita para sa mga driver.
Ayon kay Pure Ride Chief Operating Officer Edison Go Tan, bagama’t sumusunod ang lahat ng Transport Network Companies (TNCs) sa parehong fare matrix, ang Pure Ride ay magkakaroon ng mas mababang surge pricing kumpara sa itinakdang limitasyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
"We won’t be overcharging. TNCs are allowed to do surge pricing up to 2.0 so our commitment— we won’t be doing that. ‘Di kami aabot ng 2.0 ever," ani Tan sa isang pre-launch press conference sa Pure Ride headquarters sa Makati.
Sa pagsisimula ng operasyon nito sa Metro Manila, tinatayang may 300 drivers ang unang maglilingkod sa four-wheeled car services ng Pure Ride. Ngunit inaasahan nitong mapalawak pa ang hanay ng mga driver na may target na "around 3,000 to 5,000 drivers by the end of the year." Plano rin nitong simulan ang two-wheeled at four-wheeled delivery services pagsapit ng Marso.
Upang makahikayat ng mas maraming driver, inihayag ng Pure Ride ang zero-commission policy sa unang tatlong buwan, bago ipatupad ang 10 percent commission rate—mas mababa umano kumpara sa pangunahing kakumpitensya nito.
Bukod sa patas na komisyon, plano rin ng Pure Ride na magbigay ng mga benepisyo at insentibo sa pamamagitan ng sister firms nito sa ilalim ng Pure Group of Companies. Kasama sa mga benepisyo ang subsidized na bigas at discounts, lalo na sa rush hour.
Layunin din ng Pure Ride na magbigay ng karagdagang kita sa mga driver. Magkakaroon ng grocery at shopping "pabili" service sa app, kung saan maaaring kumita ang mga driver sa bawat delivery at referral.
"We are also giving share of the profit kasi once we launch the Pure Mart, 0.5 percent of the amount would go to the driver who actually referred that customer," paliwanag ni Tan. "Parang negosyante na rin siya. Hindi lang siya basta rider," dagdag ni Pure Ride President and CEO Jojo Soliman.
Matapos ang Metro Manila, target ng Pure Ride na palawakin ang operasyon nito sa Cebu sa loob ng taon at sa kalaunan ay sa Pampanga, Clark, Davao, Baguio, Iloilo, Palawan, at Bacolod.
Diskwento at Hinaharap na Ekspansyon
Ipinangako rin ng Pure Ride na kikilalanin nito ang 20-percent discount para sa mga senior citizen, persons with disabilities, estudyante, at mga pambansang atleta. Gayunpaman, kapag naisakatuparan na ang 10 percent commission rate, plano ng kumpanya na maghain ng panukala sa LTFRB upang hatiin ang gastos sa diskwento sa pagitan ng TNCs at mga driver.
Bukod sa transportasyon, layunin ng Pure Ride na maging isang super app. Sa ikatlong quarter ng 2025, ilulunsad nito ang Pure Meals, isang in-app food delivery service. Magbebenta rin ito ng murang gamot at bigas mula sa sister companies nito.
Isasama rin sa app ang Pure Force emergency response service, kung saan maaaring tumawag ang mga user ng libreng saklolo mula sa pulis, ambulansya, o bumbero.
Sa hinaharap, target ng Pure Ride na isama ang electric vehicles, helicopter rides, at yacht services bilang bahagi ng kanilang transport innovations.
Sa mas abot-kayang pasahe, patas na patakaran para sa mga driver, at malawak na hanay ng serbisyo, handa nang hamunin ng Pure Ride ang ride-hailing industry sa Pilipinas.
Larawan: ABS-CBN
