DOTr iniutos ang imbestigasyon sa emergency landing ng PAL sa Tokyo dahil sa usok sa cabin
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-04-10 21:13:45
ABRIL 10, 2025 — Iniimbestigahan na ng Department of Transportation (DOTr) ang Philippine Airlines (PAL) matapos mag-emergency landing sa Tokyo ang isa nitong flight papuntang Los Angeles dahil sa usok sa cabin.
Kumpirmado ni Transportation Secretary Vince Dizon na inatasan na ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na siguruhing masusi ang pagsusuri sa insidente, na nangyari nang madaling araw ng Huwebes. Lumihis sa Haneda Airport ang PAL Flight PR102, na may 359 pasahero at 18 crew, nang makita ang usok mula sa isang air conditioning unit ng eroplano.
Tinitingnan din ng DOTr kung paano hinandle ng airline ang mga pasahero, na naghintay daw ng halos anim na oras bago pinababa. Sa ilalim ng Air Passenger Bill of Rights, dapat agad na tumulong ang mga airline, kasama ang accommodation at alternatibong flight arrangements.
“I just want to remind PAL that it is their responsibility to take care of our passengers,” giit ni Dizon.
(Gusto ko lang ipaalala sa PAL na responsibilidad nilang alagaan ang mga pasahero natin.)
Bilang tugon, sinabi ng PAL na tinutulungan ng ground team nito sa Tokyo ang mga apektadong pasahero sa pagkain, baggage, at rebooking. Pero iginiit ng DOTr na dapat kumpleto ang paliwanag ng airline sa delays sa pag-asikaso sa mga pasahero.
(Larawan: iStock)
