Subscription fees ng Netflix sa Pilipinas, tataas dahil sa digital tax
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-05-06 14:16:48
MAYO 6, 2025 — Magmula Hunyo 1, mas magiging mahal na ang subscription sa Netflix sa Pilipinas dahil ipapatupad na ang 12% digital tax ng gobyerno. Nakapaskil na sa Help Center ng platform ang bagong presyo, kasama na ang dagdag na value-added tax (VAT) sa ilalim ng Republic Act No. 12023, na pinirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong October 2024.
Ito ang bagong buwanang singil:
Mobile: P169 (mula sa P149)
Basic: P279 (dating P249)
Standard: P449 (P399 dati)
Premium: P619 (P549 noong nakaraan)
Tumaas din sa P169 ang dagdag na slot para sa Standard at Premium, mula sa P149.
Nagsimula nang mag-abiso ang Netflix sa mga subscribers sa pamamagitan ng email, na nagsasabing ang pagtaas ay dahil sa regulatory changes (mga pagbabago sa regulasyon). Target ng batas ang mga foreign digital service provider, kasama ang streaming at music services, kaya posibleng magtaas din ng presyo ang Disney+, Spotify, at Apple Music bago mag-Hunyo.
Ayon sa Department of Finance, aabot sa P102.12 bilyon ang kikitain ng gobyerno mula 2025 hanggang 2028 dahil sa buwis na ito.
Inaasahang maglalabas din ng anunsyo ang ibang streaming platforms sa mga susunod na linggo habang papalapit na ang deadline.
(Larawan: Netflix)
