PH agri, nakatikim ng unang paglago ngayong taon
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-05-08 14:57:36
MAYO 8, 2025 — Nakabawi na ang sektor ng agrikultura ng Pilipinas matapos ang tatlong quarter ng paghina, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA). Umakyat ang produksyon sa P437.74 bilyon sa unang quarter ng 2025, mula sa P429.62 bilyon noong nakaraang taon, dahil sa pagganda ng mga pananim at pagdagsa ng produksyon ng manok.
Bagama't bahagyang tumaas lang ang palay ng 0.3%, bumagsak naman ang produksyon ng mais ng 5.1%. Naging matibay ang tubo, na nagpabawas sa ilang pagkalugi. Pinamunuan ng manok ang pagbangon sa sektor, na lumaki ng 9.4% sa P75.22 bilyon, habang bumaba ang livestock ng 2.8% dahil sa 3.7% paghina ng produksyon ng baboy.
Sinabi ni Raul Montemayor ng Federation of Free Farmers na magandang resulta ang mga numero, pero hindi pa sigurado ang ganap na recovery.
“Palay continued to be sluggish; among crops, sugarcane was the bright spot,” aniya.
(Mahina pa rin ang palay; sa mga pananim, ang tubo ang tanging nag-iingay.)
Samantala, ipinaliwanag ni Danilo Fausto ng Philippine Chamber of Agriculture and Food na nakatulong ang magandang panahon at pagbabago sa demand sa pag-ahon. Dagdag pa niya, lumilipat ang mga mamimili sa manok at itlog dahil sa takot sa African swine fever.
Nagpahayag naman ng pag-asa si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., na binanggit ang mga programa ng gobyerno tulad ng cold storage facilities at rice processing systems.
“We are optimistic that the recovery in the first quarter signals momentum for the latter half of the year — especially as we bring new infrastructure online, such as cold storage facilities and rice processing systems,” sabi niya.
(Naniniwala kami na magpapatuloy ang pag-unlad sa huling bahagi ng taon — lalo na't ilulunsad na ang mga bagong imprastruktura.)
Idinagdag pa niya na maaaring makabawi ang pag-aalaga ng baboy sa tulong ng African swine fever vaccine sa mga susunod na buwan.
Maganda ang simula, pero may mga hamon pa rin, lalo na sa mga pangunahing pananim at livestock. Sa tamang suporta at pamumuhunan, target ng mga opisyal na patatagin ang paglago hanggang matapos ang 2025.
(Larawan: Change.org)
