Presyo ng kuryente ngayong Mayo bumaba dahil sa paglakas ng piso, pag-improve ng power supply
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-05-13 18:36:45
MAYO 13, 2025 — Makakatipid ang mga customer ng Manila Electric Company (Meralco) ngayong buwan, dahil bababa ang singil sa kuryente ng ₱0.75 bawat kilowatt-hour (kWh) — ang unang malaking pagbaba sa taong 2025. Magiging ₱12.2628/kWh na lang ang babayaran, salamat sa pagbaba ng generation at transmission costs.
Makakatipid ng around ₱150 ang isang household na gumagamit ng 200 kWh, habang mas malaki ang matitipid ng mga mas malakas ang konsumo. Dalawang dahilan ang nagpa-baba ng presyo: ang paglakas ng piso at pag-improve ng power supply sa Luzon.
Bumaba ng ₱0.3144/kWh ang generation charge ng Meralco, dahil sa mas mababang singil mula sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) at Independent Power Producers (IPPs).
Naging mas mura ang WESM ng ₱1.1424/kWh dahil sa pag-improve ng power supply sa Luzon, samantalang bumaba rin ang IPP costs ng ₱0.955/kWh dahil sa mas maraming energy dispatch at paglakas ng piso — mahalaga ito dahil 97% ng IPP expenses ay dollar-denominated.
Naitawid ang ₱0.1884/kWh na pagtaas sa Power Supply Agreement (PSA) charges salamat sa paglakas ng piso. Bumaba rin ang transmission charges ng ₱0.2970/kWh dahil sa pagbaba ng ancillary service fees.
Ipinaliwanag ng Meralco na ipinapasa lang nila ang generation, transmission, at tax charges sa suppliers at gobyerno — hindi ito napupunta sa kanila. Hindi nagbago ang distribution rates simula noong August 2022, at patuloy pa rin ang ₱0.2024/kWh refund.
(Larawan: Meralco)
