Unang e-taxi fleet ng Grab, sasabak na sa Metro Manila
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-06-06 09:58:20
HUNYO 6, 2025 — Nanguna ang Grab sa pagpapakilala ng electric taxi sa Metro Manila, ang unang serbisyo ng e-vehicle taxi na aprubado ng gobyerno sa Pilipinas. Layunin nitong magbigay ng mas malinis na transportasyon at magbawas ng carbon emissions.
Nakipagtulungan ang Grab sa EV Taxi Corp. para mapatakbo ang GrabTaxi Electric sa mga pangunahing lungsod gaya ng Makati, Pasig, Parañaque, Pasay, Mandaluyong, at Taguig. Batay ito sa isang 2024 study kasama ang BYD Philippines, na nagpakitang cost-efficient at scalable ang e-vehicles para sa ride-hailing.
"This is not just about offering another ride option; it is about fundamentally changing the DNA of urban transport in the Philippines, one that aligns with sustainability commitments, empowers Filipino commuters and creates meaningful green livelihoods," pahayag ni Ronald Roda, head ng Grab Philippines.
(Hindi lang ito dagdag na opsyon sa pagbiyahe. Gusto naming baguhin ang urban transport sa Pilipinas, na tugma sa sustainability commitments, nage-empower sa commuters, at lumilikha ng green jobs.)
Plano ng Grab na palawakin ang e-vehicle services sa GrabCar sa mga lungsod gaya ng Davao at Cagayan de Oro sa taong ito.
Binigyang-diin ni Frankie Ang, president ng EV Taxi, na ang partnership na ito ay modelo para sa future collaborations ng local businesses at international tech platforms. Ayon sa kanya, makakatulong ito para mas mabilis ang paglipat sa eco-friendly transportation.
Nasa trial phase pa lang ang e-taxis at available lamang sa select users. Kakalap muna ang Grab ng feedback bago ang full launch. Magdadagdag rin ang app ng features gaya ng optional eco-donations para suportahan ang environmental efforts.
Iginiit ni Roda ang urgency ng green transport: "Sustainability cannot be a distant ideal, as it must be something you can book, ride, and feel today."
(Hindi dapat malayong pangarap ang sustainability. Dapat nararamdaman at nagagamit na ito ngayon.)
Hamon ang pagbabagong ito sa dominance ng fuel-powered taxis, senyales ng mas malawak na paglipat ng Pilipinas sa electrified mobility.
(Larawan: Grab)
