P43/kilo price cap sa imported na bigas, itinakda ng DA simula Hulyo 16
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-07-04 08:40:18
HULYO 3, 2025 — Makakatipid na ang mga Filipino sa imported na bigas simula Hulyo 16 dahil ibinaba ng gobyerno ang pinakamataas na presyo nito sa P43 kada kilo mula sa dating P45.
Inanunsyo ng Department of Agriculture (DA) na bunsod ito ng pagbaba ng presyo ng bigas sa pandaigdigang merkado at pagginhawa sa supply chain.
"Global rice prices have since declined, alongside softening oil prices," pahayag ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.
(Bumaba na ang presyo ng bigas sa mundo, kasabay ng paghina rin ng presyo ng langis.)
Idinagdag pa niya na posibleng lalong tumatag ang suplay dahil sa inaasahang rekord na ani sa India, Pakistan, at Thailand.
Plano ring maglagay ng price controls ang DA sa imported na baboy sa susunod na buwan, at posibleng sumunod ang manok sa Setyembre, dahil sa mahigpit na suplay sa lokal na merkado bunga ng mga livestock disease outbreaks.
Layon ng bagong price ceiling na mabawasan agad ang gastos ng mga mamimili, pero maaari pa ring mag-iba ang presyo sa mga tindahan depende sa kalagayan ng merkado.
(Larawan: Philippine News Agency)
