PAL, pangalawa sa pinakamahusay na airline sa Southeast Asia
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-08-06 18:27:06
AGOSTO 6, 2025 — Nasungkit ng Philippine Airlines (PAL) ang pangalawang puwesto sa listahan ng pinakamahuhusay na airlines sa Southeast Asia batay sa boto ng mga pasahero, isang dagdag na tagumpay matapos ang sunod-sunod na pagkilala sa brand strength at flight punctuality.
Ginanap ang 2025 Flyers’ Choice Awards ng AirlineRatings.com, kung saan nanguna ang Singapore Airlines, habang nasa ikatlong puwesto ang Malaysia Airlines. Ayon sa PAL president na si Richard Nuttall, mahalaga ang naturang parangal dahil batay ito mismo sa feedback ng mga pasahero.
Ang naturang parangal ay patunay umano sa patuloy na pagtitiwala at kasiyahan ng mga pasahero, na siyang pangunahing layunin ng PAL sa bawat biyahe — mula sa pagtitiyak ng kaligtasan at maaasahang serbisyo hanggang sa pagbibigay ng taos-pusong pag-aalaga.
Bukod dito, kinilala rin ng ad magazine na Campaign Asia ang PAL bilang best travel brand sa Pilipinas at second best sa Southeast Asia, na may score na 63.15%, mas mataas kaysa sa Cebu Pacific (54.9%) at Emirates (49.95%).
Ayon pa sa aviation analyst na Cirium, madalas ding makapasok ang PAL sa listahan ng most punctual airlines sa Asia-Pacific, na umabot ng 86.07% on-time performance noong Abril.
Kasabay nito, patuloy ang modernisasyon ng PAL fleet, kung saan inaasahang darating sa katapusan ng taon ang kanilang unang Airbus A350-1000 para sa long-haul flights. Magdadagdag din sila ng 18 upgraded A321ceo simula Oktubre, na may mas magandang cabin design at in-flight entertainment.
Ang mga pag-upgrade at parangal na ito ay bahagi ng mas malawak na plano ng PAL para patuloy na mapahusay ang serbisyo nito sa lokal at internasyonal na mga pasahero.
(Larawan: Yahoo Finance)
