Diskurso PH
Translate the website into your language:

Tingnan: Kape ng isang Benguet farmer, umabot sa ₱9,000 ang presyo kada kilo

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-08-10 22:27:36 Tingnan: Kape ng isang Benguet farmer, umabot sa ₱9,000 ang presyo kada kilo

BENGUET — Mula sa maliit na sakahan sa La Trinidad, Benguet, gumawa ng kasaysayan sa industriya ng kape ng Pilipinas si Rodiyo Tubal Tacdoy, 22-anyos, matapos maibenta ang kanyang green Arabica beans sa record-breaking na ₱9,000 kada kilo sa Philippine Quality Coffee Competition (PCQC) 2025. Hindi lang ito simpleng tagumpay—ito ang pinakamataas na halagang naitala para sa lokal na kape sa bansa.

Unang nakilala si Tacdoy nang magwagi siya ng unang pwesto sa Arabica – Smallholder Farms category ng PCQC. Ngunit bago ang lahat ng ito, hindi kape ang pangunahing tanim ng kanilang pamilya. Noong una, puro sayote at leafy greens lang ang kanilang inaalagaan. Taong 2015 lamang sila pumasok sa coffee farming, matapos makipag-partner ang kanyang lolo sa isang Japanese student na nagsasaliksik tungkol sa pagtatanim ng kape.

Dumaan sila sa maraming pagsubok—taon ng eksperimento at pagkatuto—hanggang sa manalo sila sa isang lokal na kompetisyon noong 2019. Mula noon, lalo pang tumibay ang kanilang dedikasyon, at noong 2023, si Tacdoy na mismo ang nanguna sa kanilang 1.5-ektaryang sakahan.

Pinagsasama ni Tacdoy ang tradisyunal na paraan ng pagtatanim at makabagong processing techniques gaya ng natural anaerobic process. Dahil sa malamig na klima at mataas na altitude ng Benguet, nagiging natatangi ang lasa at kalidad ng kanilang beans. Sa PCQC 2025, na-auction ang 117 kilo ng kanyang kape—at lahat ay nabili sa record-breaking price.

“Plano naming tulungan ang kapwa magsasaka para iangat ang Cordillera coffee,” ani Tacdoy. “Konti na lang ang gustong maging coffee farmer. Kaya gusto naming magbukas ng school farm.”

Naniniwala siya na sa pamamagitan ng patas na presyo, kompetisyon, at tulong ng gobyerno—sa anyo ng post-harvest equipment, technical training, at livelihood programs—maaakit ang mas maraming kabataan sa industriya ng kape.

Sa harap ng lumalaking pangangailangan ng kape sa mundo at banta ng kakulangan sa suplay, buo ang loob ni Tacdoy na sumabak sa pandaigdigang kompetisyon at patunayan na ang kape ng Pilipinas ay maipapantay sa pinakamagagaling sa buong mundo. (Larawan: Google)