PLDT, handang isampa sa korte ang laban kontra 'Konektadong Pinoy Act'
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-08-13 09:49:29
AGOSTO 13, 2025 — Handang humarap sa korte ang PLDT para tutulan ang panukalang Konektadong Pinoy Act, na inaasahang pipirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa lalong madaling panahon. Ayon sa telco giant, labag umano sa Konstitusyon ang ilang probisyon ng nasabing batas, partikular sa pag-alis ng requirement para sa congressional franchise at pagbibigay-daan sa mga bagong player na gamitin ang existing infrastructure ng mga kasalukuyang telco.
“If it is signed into law, then we have our option to go to court to raise the issues of constitutionality,” pahayag ni Marilyn Victorio-Aquino, senior vice president at corporate secretary ng PLDT.
(Kung ito'y maging batas, may opsyon kaming dalhin sa korte ang mga isyu tungkol sa constitutionality nito.)
Aniya, may diskriminasyon ang nasabing panukala dahil mapipilitan ang mga established telco na ibahagi ang kanilang network assets sa mga bagong papasok na kumpanya nang walang sapat na proteksyon.
“They don't have to build infrastructure because they can just access our assets. That's not how open access works,” giit ni Victorio-Aquino.
(Hindi nila kailangang magtayo ng sariling imprastraktura — pwedeng gamitin na lang nila ang amin. Hindi ganoon ang open access.)
Dagdag pa niya, malaking puhunan ang ginagastos ng mga telco sa pagpapalawak ng kanilang serbisyo, ngunit sa ilalim ng bagong batas, mawawalan sila ng kontrol dito.
Bukod sa PLDT, tutol din ang ibang malalaking kumpanya tulad ng Globe Telecom, DITO Telecommunity, at Converge ICT. Nagpadala na rin ang mga ito ng liham kay Marcos upang hilinging i-veto ang panukala.
Ayon kay Froilan Castelo, general counsel ng Globe, dapat munang ibalik sa Kongreso ang bill para mas mapag-aralan.
“Our key concerns include regulatory imbalance, uneven competition, and the lack of transparency and oversight for new players,” pahayag ni Castelo.
(Kabilang sa aming pangunahing alalahanin ang hindi pantay na regulasyon, patas na kompetisyon, at kakulangan ng transparency at oversight para sa mga bagong player.)
Kung hindi pipirmahan ni Marcos ang bill bago mag-August 24, maaari itong maging batas kahit walang lagda. Ngunit mariing nananawagan ang mga telco na pag-isipang mabuti ng Pangulo ang implikasyon nito sa industriya.
Ayon kay Manuel Pangilinan, chairman at CEO ng PLDT, hindi proteksyon mula sa gobyerno ang kanilang hinihingi kundi isang patas na laban para sa lahat ng operator sa telecom industry. Aniya, habang walang garantiya na mananatili ang mga bagong player sa bansa sa panahon ng krisis, ang mga established telco tulad nila ay patuloy pa ring maglilingkod kahit sa anumang kalagayan.
Abangan kung anong magiging desisyon ng Palasyo sa nalalabing oras bago mag-automatic na maging batas ang kontrobersyal na panukala.
(Larawan: Philippine News Agency)
