Diskurso PH
Translate the website into your language:

Josh Mojica, gustong paimbestigahan sa BIR dahil sa post nitong ‘21 years old ‘bilyonaryo na’

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-08-22 22:58:17 Josh Mojica, gustong paimbestigahan sa BIR dahil sa post nitong ‘21 years old ‘bilyonaryo na’

MANILA — Umani ng atensyon sa social media ang umano’y pag-aangkin ng Kangkong Chips Original (KCO) founder na si Josh Mojica bilang isang “bilyonaryo” sa murang edad na 21 anyos.

Noong Agosto 18, isang video post ang lumabas sa isang unofficial Facebook page ng KCO na may caption:  “21 years old ‘bilyonaryo na,’ ikaw?” Ayon sa mga ulat, muling ibinahagi pa ito ng opisyal na pahina ni Mojica ngunit agad ding nawala sa naturang page. Gayunman, nananatili pa ring makikita ang post sa hindi opisyal na bersyon.

Si Mojica ay dati nang naging kontrobersyal matapos mahuling lumabag sa Anti-Distracted Driving Act, nang mag-record siya gamit ang cellphone habang nagmamaneho ng isang sports car sa highway.

Dahil sa kanyang pahayag na “billionaire,” umapela si dating Comelec commissioner Rowena Guanzon sa Bureau of Internal Revenue (BIR) upang magsagawa ng imbestigasyon.
“Akala ko ang youngest billionaire ay may-ari ng Mang Inasal? Ba’t nag-ca-claim itong si Kangkong? Bureau of Internal Revenue Philippines, paki-check nga ang taxes ng tao na ‘yan,” ani Guanzon sa isang Facebook post nitong Agosto 21.

Ang BIR, na pangunahing ahensiya sa pangongolekta ng buwis, ay matagal nang binabatikos kaugnay ng mga isyu sa hindi pagkakasama ng ilang mayayamang indibidwal sa listahan ng top income taxpayers. Noong 2022, mismong si Sen. Win Gatchalian ang nanawagan ng mas mataas na buwis para sa pinakamayayamang Pilipino, dahil marami umano sa kanila ay hindi nakatala bilang top taxpayers.

“Yun ang konsepto ng progressivity—kung sino ang may kaya, siya ang dapat na mas mataas ang binabayaran,” giit ni Gatchalian noon.

Sa ngayon, wala pang pahayag si Mojica hinggil sa hamon na imbestigahan ang kanyang umano’y yaman. Samantala, patuloy na tinututukan ng publiko kung paano tutugon ang BIR sa panawagan ng mga opisyal. (Larawan: Josh Mojica / Fb)