Diskurso PH
Translate the website into your language:

Grab, target ang bagong carpool service bago mag-Disyembre

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-10-31 09:08:02 Grab, target ang bagong carpool service bago mag-Disyembre

OKTUBRE 31, 2025 — Target ng Grab Philippines na ilunsad ang bagong carpooling feature nito bago sumapit ang Disyembre, kasabay ng inaasahang pagdagsa ng pasahero ngayong kapaskuhan.

Sa gitna ng pagbubukas ng Asenso Center ng Grab sa Marikina, kinumpirma ni Ronald Roda, country head ng Grab PH, na matagal nang aktibo ang “Group Rides” pero hindi pa ito pinalalaganap.

“Hindi pa namin ine-endorse kasi inaayos pa namin ang routing at behavior ng mga driver,” ani Roda. “So, we're now at a point where we think it's ready finally for the market with good experience (Sa tingin namin, handa na ito para sa publiko at maayos na ang karanasan).” 

Ang Group Rides ay nagbibigay-daan sa apat na pasahero na mag-book ng iisang biyahe na may iba’t ibang pick-up at drop-off points. Ayon kay Roda, kahalintulad ito ng group order sa GrabFood kung saan puwedeng mag-imbita ng kasamang umangkas sa iisang booking.

“I’ll take an example. If I want to go to a cemetery and there’s four of us going then I can create a group ride where the car will pass through each of us and then go to the cemetery, or vice versa, you all ride from the cemetery and then you drop off in your houses,” paliwanag niya.

(Magbibigay ako ng halimbawa. Kung gusto kong pumunta sa sementeryo at apat kaming pupunta roon, puwede akong gumawa ng group ride kung saan dadaan ang sasakyan sa bawat isa sa amin bago tumuloy sa sementeryo. O kaya naman, kabaligtaran — sabay-sabay kayong sasakay mula sa sementeryo at ihahatid kayo sa kani-kaniyang bahay.) 

Limitado pa sa Metro Manila ang feature, pero inaasahang magiging tulong ito sa pagresolba ng holiday congestion. Hindi pa tiyak ni Roda kung ilan sa kanilang fleet ang papayagang bumiyahe ng mga regulator ngayong Pasko.

Dagdag pa niya, patuloy ang pagsisikap ng Grab na maibalik ang bilang ng mga sasakyan sa antas bago ang pandemya. 

“Pre-pandemic, ang GrabCar ay pang-office. Ngayon, leisure na. Nagbago na pati peak hours,” aniya. 

Upang mahikayat ang mga driver, magbibigay ang Grab ng dagdag na insentibo sa mga tatanggap ng group rides.

(Larawan: Grab)