Trabaho o buhay? BPO workers, sapilitang na namang pinapasok sa gitna ng ‘Uwan;’ DOLE, nanahimik?
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-11-11 11:48:08
NOBYEMBRE 11, 2025 — Sa gitna ng pananalasa ng Bagyong Uwan, daan-daang manggagawa sa sektor ng business process outsourcing (BPO) ang napilitang mag-report sa opisina kahit delikado ang panahon. Ayon sa BPO Industry Employees Network (BIEN), maraming kompanya ang tumangging magpatupad ng work-from-home o magbigay ng bayad na emergency leave, dahilan para ilantad ng grupo ang mga employer na umano’y nagbabalewala sa kaligtasan ng kanilang mga tauhan.
Hindi ito ang unang beses. Noong kasagsagan ng Bagyong Tino, nagpadala rin ng reklamo ang BIEN sa Department of Labor and Employment (DOLE) tungkol sa parehong isyu. Ngunit ayon sa grupo, walang tugon o aksyon mula sa ahensya.
“We have already tried doing things the ‘proper’ way. This silence and inaction have forced us to bring these issues directly to the public. If DOLE will not listen behind closed doors, perhaps they will listen when workers speak out together and online.”
(Sinubukan na naming dumaan sa tamang proseso. Dahil sa katahimikan at kawalan ng aksyon, napilitan kaming ilantad ito sa publiko. Kung hindi makikinig ang DOLE sa pribadong usapan, baka makinig sila kapag sama-samang nagsalita ang mga manggagawa online.)
Sa isang open letter, iginiit ng BIEN na dapat agad maglabas ng advisory ang DOLE para suspendihin ang trabaho sa mga lugar na apektado ng bagyo. Dagdag pa nila, hindi dapat pinaparusahan o kinakaltasan ng leave credits ang mga empleyadong piniling manatili sa bahay para sa kanilang kaligtasan.
“Call on these companies who continue to force their workers to report to work and ensure that no BPO worker is punished, penalized, or forced to use leave credits for prioritizing their safety,” giit ng grupo.
(Panawagan sa mga kompanyang patuloy na pumipilit sa mga manggagawa na pumasok: siguraduhing walang BPO worker ang mapaparusahan, mapapenalize, o mapipilit gumamit ng leave credits para unahin ang kanilang kaligtasan.)
Sa panig naman ng DOLE, sinabi ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma na inatasan na niya ang mga regional director sa Luzon, Visayas, at Mindanao na beripikahin ang mga reklamo.
“They have been instructed to invite the complained-of employers so they can be afforded the opportunity to explain why they are forcing employees to report for work during serious weather disturbances,” aniya
(Inatasan silang imbitahan ang mga employer na inirereklamo upang mabigyan ng pagkakataong ipaliwanag kung bakit nila pinipilit ang mga empleyado na pumasok sa gitna ng matinding sama ng panahon.)
Dagdag pa ni Laguesma, hindi palalampasin ng DOLE ang mga employer na naglalagay sa panganib ng mga manggagawa.
Dahil sa umano’y patuloy na pagwawalang-bahala ng DOLE, inilabas ng BIEN ang listahan ng mga kompanyang nagpapatuloy ng “business-as-usual” operations sa kabila ng bagyo. Nahati ang mga ito sa dalawang kategorya: may limitadong suporta at walang kahit anong konsiderasyon.
Mga kompanyang nagpapatuloy ng operasyon na may limitadong suporta:
TDCX Phils. Inc., Cyber Omega Site, Ortigas – may transport subsidy, shuttle pick-up, at packed meals; pero ang hindi pumasok ay minamarkahang absent at binibigyan ng Notice to Explain
ProbeCX, Makati – may P1,000 allowance at libreng pagkain; pero may disciplinary action sa hindi pumasok
Accenture, BGC – may overtime pay sa rest day, transport allowance, at food vouchers
Inspiro, Quezon City – may libreng shuttle service
Accenture, Cubao – may libreng shuttle service
Infosys, Taguig – may libreng pagkain at toiletries; pero pinipilit umano ng team leaders ang mga agent na mag-report onsite
Intouch, Cubao – may dagdag na beddings para sa mga empleyadong natutulog sa opisina
Foundever, Baguio – may libreng pagkain
TaskUs, Antipolo – may libreng Grab rides pero hindi pa activated
TaskUs, Bulacan – may libreng pagkain
Ayon sa TDCX, hindi maaapektuhan ang incentives ng mga empleyadong hindi pumasok dahil sa unsafe travel o family safety concerns.
“For clarity, absences due to unsafe travel or family safety concerns are not subject to disciplinary action, and employees' incentive eligibility is maintained,” pahayag ng kumpanya.
(Para sa kalinawan, ang mga pagliban dahil sa delikadong biyahe o alalahanin sa kaligtasan ng pamilya ay hindi paparusahan, at mananatili ang eligibility ng empleyado sa incentives.)
Mga kompanyang nagpapatuloy ng operasyon nang walang suporta:
BILGOSLING Inc., BGC, Taguig
Cognizant, Vertis North
Afni, Santa Rosa, Laguna
Enshored, Cebu
Staff Outsourcing Solutions, Cebu
TaskUs, Meycauayan
TTEC, Cebu
Accenture, Cebu
Concentrix, Megamall
Ayon sa BIEN, ang ilang kompanya ay nagbigay ng transport o meal allowance, pero tinawag nila itong “token gestures” na hindi sapat para tiyakin ang kaligtasan ng mga manggagawa.
Bukod sa DOLE, hinimok din ng BIEN ang mga BPO company na magpatupad ng bayad na emergency leave habang mapanganib pa ang sitwasyon.
“You owe this to your workers, the very backbone of your operations. Without them, there is no service, no profit. If you continue to neglect their safety, we will not hesitate to name and call out your companies publicly,” pahayag ng grupo.
(Utang ninyo ito sa inyong mga manggagawa, ang gulugod ng inyong operasyon. Wala kayong serbisyo, wala kayong kita kung wala sila. Kung patuloy ninyong babalewalain ang kanilang kaligtasan, hindi kami magdadalawang-isip na pangalanan kayo sa publiko.)
Dagdag pa ng BIEN, “DOLE, serve the workers, not the employers.”
(DOLE, paglingkuran ang mga manggagawa, hindi ang mga employer.)
(Larawan: BIEN Pilipinas | Facebook)
