Cloudflare bug, pansamantalang nakapagpatigil sa ilang major websites
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-11-19 15:31:42
NOBYEMBRE 19, 2025 — Nagulantang ang milyun-milyong netizen nitong Martes matapos biglang mawalan ng access sa ilang pangunahing online platform gaya ng X, ChatGPT, at “League of Legends.” Ang sanhi: isang bug na tumama sa Cloudflare, ang higanteng kumpanya sa online security na humahawak ng halos ikalimang bahagi ng global internet traffic.
Ayon sa web monitor na Downdetector, nakaranas ng malawakang aberya ang mga serbisyo ng Google at OpenAI, bukod pa sa mga gaming platform. Bumagsak pa ng 1.5 porsiyento ang presyo ng shares ng Cloudflare sa unang bahagi ng kalakalan.
Sa pahayag ni Dane Knecht, chief technology officer ng Cloudflare, inamin niyang nagkaroon ng seryosong pagkukulang ang kumpanya.
“Earlier today we failed our customers and the broader internet when a problem in Cloudflare network impacted large amounts of traffic that rely on us,” aniya.
(Nabigo namin ang aming mga customer at ang mas malawak na internet nang maapektuhan ng problema sa network ng Cloudflare ang malaking bahagi ng trapiko na umaasa sa amin.)
Ipinaliwanag ni Knecht na ang bug ay lumabas matapos ang isang routine configuration change.
“In short, a latent bug in a service underpinning our bot mitigation capability started to crash after a routine configuration change we made,” dagdag niya.
(Sa madaling salita, isang nakatagong bug sa serbisyong sumusuporta sa aming bot mitigation ang nagsimulang bumagsak matapos ang karaniwang pagbabago sa configuration na ginawa namin.)
Hindi ito ang unang beses na nangyari ang ganitong uri ng aberya. Kamakailan lang, parehong nakaranas ng outage ang Amazon Web Services at Microsoft cloud, na nakaapekto sa negosyo, gaming, at transportasyon.
Para kay Alan Woodward, propesor ng cybersecurity sa University of Surrey, malinaw ang panganib ng sobrang pagdepende sa iilang malalaking provider.
“It’s a double-edged sword … But when they fail, the impact can be significant,” aniya.
(Ito ay double-edged sword … Ngunit kapag sila’y pumalpak, maaaring mabigat ang epekto.)
Binanggit naman ni analyst Jacob Bourne na dumarami ang ganitong insidente at tumatagal bago maayos. Dagdag pa niya, ang lumalaking demand sa AI at streaming ay nagpapahirap sa kapasidad ng mga system.
Samantala, iginiit ni Sarah Kreps ng Cornell University Tech Policy Institute na ang insidente ay patunay na ang bilyon-bilyong dolyar na pamumuhunan sa AI ay nakasalalay pa rin sa mga third-party infrastructure na madalas hindi nabibigyan ng sapat na pansin.
Sa huli, nangako ang Cloudflare na maglalabas ng mas detalyadong paliwanag at hakbang upang hindi na maulit ang naturang abala.
(Larawan: Yahoo)
