BDO, nagbabala hinggil sa tuloy-tuloy na matamlay na pamumuhunan sa Pilipinas
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-12-15 18:47:22
DISYEMBRE 15, 2025 — Nagbabala ang BDO Unibank, Inc. na posibleng magpatuloy ang malamlam na pamumuhunan sa bansa hanggang 2026, kasunod ng serye ng mga pangyayari na nagpahina sa kumpiyansa ng negosyo at nagdulot ng kawalang-tatag sa ekonomiya.
Ayon kay BDO President at CEO Nestor V. Tan, bagama’t nagsimula ang taon na may matibay na pundasyon mula sa malakas na pagtatapos ng 2024, mabilis na nagbago ang takbo ng negosyo nang iproklama ni US President Donald Trump ang tinaguriang Liberation Day noong Abril 2, kasabay ng anunsyo ng malawakang taripa. Ang mga produktong Pilipino na papasok sa Amerika ay agad tinamaan ng 17% taripa, na umakyat pa sa 20% bago bumaba sa 19% matapos ang negosasyon ng dalawang bansa.
“We started out very strong, honestly. We had a solid fourth quarter last year and that momentum was carrying over. But then Liberation Day happened, and people began to pull back,” ani Tan.
(Nagsimula tayo nang napakalakas, totoo. Matibay ang ikaapat na quarter noong nakaraang taon at dala-dala pa ang momentum, pero nang dumating ang Liberation Day, nagsimulang umatras ang mga tao.)
Dagdag pa niya, lumitaw ang mga panganib sa geopolitics at lokal na isyu sa panahong nagsisimula nang bumuti ang kalagayan ng negosyo. Lalong lumala ang sitwasyon nang pumutok ang kontrobersya sa pondong nakalaan para sa flood-control projects, kasabay ng unti-unting pag-normalisa ng supply chain.
Sa datos, bumagsak ang net inflows ng foreign direct investments (FDI) sa $320 milyon nitong Setyembre — pinakamababa mula pa noong Abril 2020, na kasagsagan ng pinakamahigpit na lockdown dahil sa Covid-19. Ayon sa mga ekonomista, malaking factor sa pagbagsak ang iskandalo sa flood-control fund na nagdulot ng matinding pag-aalinlangan sa pamumuhunan.
“Now the overall mood, I would say, is at best somber,” diin ni Tan.
(Ngayon, masasabi kong ang pangkalahatang damdamin ay malungkot.)
Binanggit din niya na ang imbestigasyon sa katiwalian ay nagbibigay-daan upang matugunan ng pamahalaan ang mga isyu sa korapsyon at makapagsagawa ng reporma. Gayunman, naniniwala siyang mananatiling mahirap ang kalagayan ng negosyo sa 2026, dahil sa patuloy na kawalan ng katiyakan.
“From a business perspective, [2025] was a tough year, and we continue to think 2026 will be the same,” wika ng CEO.
(Mula sa pananaw ng negosyo, ang [2025] ay isang mahirap na taon, at patuloy naming iniisip na magiging ganoon din ang 2026.)
Sa kabila ng negatibong pananaw, binigyang-diin ni Tan na may mga pagkakataon pa rin sa labas ng Metro Manila, partikular sa mga sektor ng imprastraktura at enerhiya. Ang paglago sa mga probinsya, aniya, ay mas mabilis kaysa sa Kalakhang Maynila.
Samantala, nananatili namang optimistic si BDO Chairperson at SM Investments Corp. Vice Chairperson Tessie Sy-Coson.
“The next year will not be so bad if we think more positively. We just have to do our work in spite of all the political noise. So, for us, we’re going to continue what we have planned and I think we will be able to achieve our targets next year,” aniya.
“Hindi magiging ganoon kasama ang susunod na taon kung magiging mas positibo tayo. Kailangan lang nating gawin ang ating trabaho sa kabila ng lahat ng ingay sa politika. Kaya para sa amin, ipagpapatuloy namin ang aming plano at naniniwala akong maaabot namin ang aming mga target sa susunod na taon.)
Malinaw na nananatiling hamon ang kawalan ng katiyakan sa pamumuhunan, ngunit may mga sektor at rehiyon na patuloy na nagpapakita ng potensyal para sa paglago.
(Larawan: BDO)
