Pamaskong handog ng Grab, libreng shuttle mula NAIA hanggang Makati
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-12-03 17:35:27
DISYEMBRE 3, 2025 — Muling inaasahan ang mabigat na trapiko at matinding demand sa transportasyon ngayong kapaskuhan, kaya’t maglalatag ang Grab Philippines ng libreng shuttle service mula Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 patungong One Ayala transport hub sa Makati. Ang biyahe ay tatakbo mula alas-4 ng hapon hanggang ala-una ng madaling-araw sa piling araw ng Disyembre: ika-5 hanggang 8, ika-12 hanggang 16, at ika-19 hanggang 22, 2025.
Ayon sa Grab, layunin ng hakbang na ito na maibsan ang hirap ng mga pasahero sa pagkuha ng sasakyan sa gitna ng inaasahang pagtaas ng demand. Sa datos ng kumpanya, tumaas na ng 20% hanggang 25% ang oras ng pagkumpleto ng biyahe tuwing rush hour, at inaasahan pang tataas ng 36% ang kabuuang pangangailangan sa huling quarter ng taon.
“This holiday season will be a challenge, as in previous years. We are facing a slew of macroeconomic factors, from an uptick in holiday demand that challenges the supply of vehicles to the traffic conditions of the metro,” pahayag ni Ronald Roda, general manager ng Grab Philippines.
(Magiging hamon ang kapaskuhan, gaya ng mga nakaraang taon. May mga factors na nakakaapekto, mula sa pagtaas ng demand na sumasabay sa kakulangan ng sasakyan hanggang sa kondisyon ng trapiko sa metro.)
Dagdag pa niya, “There will be moments when getting a ride feels harder than usual, but we promise to do our absolute best to be better than last year. We have been preparing since the start of the year to ensure our services remain accessible enough to help every Filipino make their holiday celebration complete.”
(May mga pagkakataong mas mahirap makakuha ng sakay, ngunit gagawin namin ang lahat upang mas mapabuti kaysa noong nakaraang taon. Naghanda kami mula pa sa simula ng taon upang manatiling abot-kaya ang serbisyo para sa bawat Pilipino.)
Samantala, pinuri naman ng New NAIA Infra Corp. ang inisyatiba.
“We have been working to make airport operations more efficient, especially now that the holidays bring in so many travelers. That’s why we appreciate Grab stepping in to help further strengthen our transport options,” ani Angelito Alvarez, general manager ng NNIC.
(Pinagbubuti namin ang operasyon sa paliparan, lalo na ngayong dagsa ang mga biyahero. Kaya’t pinahahalagahan namin ang hakbang ng Grab upang mas mapalakas ang transportasyon.)
Bukod sa libreng shuttle, umaasa rin ang Grab sa Group Rides at Sabay Sakay carpooling services upang makatulong sa mas mabilis at mas episyenteng biyahe sa mga pangunahing ruta ng Pasig-Makati at Pasig-BGC.
(Larawan: Grab | Facebook)
